Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
13 Ito ay sapagkat si Abraham at ang kaniyang lahi ay tumanggap ng pangako na siya ay magiging tagapagmana ng sanlibutan. Ito ay hindi sa pamamagitan ng kautusan kundi sa pamamagitan ng katuwiran ng pananampalataya. 14 Ito ay sapagkat kung ang mga tagapagmana nga ay ang mga gumaganap ng kautusan, ang pananampalataya ay walang kabuluhan. Ang pangako ay walang bisa. 15 Ito ay sapagkat ang kautusan ay nagbubunga ng galit, dahil kung walang kautusan, walang pagsalangsang.
16 Kaya nga, ang pangako ay sa pamamagitan ng pananampalataya upang ito ay maging ayon sa biyaya at upang ito ay maging tiyak sa lahat ng lahi. Ito ay hindi lamang sa mga nasa kautusan kundi sa mga nasa pananampalataya ni Abraham na siyang ama nating lahat. 17 Ayon sa nasusulat:
Itinalaga kitang ama ng maraming bansa.
Ito ay sa harap ng Diyos na kaniyang sinampalatayanan, na bumubuhay ng mga patay at tumatawag na magkaroon ng mga bagay na wala pa.
18 Sa kawalang pag-asa, sumampalataya si Abraham na umaasa at sa gayon siya ay naging ama ng maraming bansa. Ito ay ayon sa sinabi:
Magiging gayon ang iyong lahi.
19 Sa kaniyang pananampalatayang hindi nanghihina, hindi niya itinuring na parang patay na ang kaniyang sariling katawan. Siya ay halos isandaang taon na noon. Hindi rin niya itinuring na patay ang bahay-bata ni Sara. 20 Hindi siya nag-alinlangan sa pangako ng Diyos sa pamamagitan ng hindi pagsampalataya. Sa halip, siya ay lumakas sa pananampalataya na nagbibigay nang kaluwalhatian sa Diyos. 21 Lubos siyang nakakatiyak na magagawa ng Diyos ang kaniyang ipinangako. 22 Kaya nga, ito ay ibinilang sa kaniya na katuwiran. 23 Gayunman, ito ay hindi lamang isinulat para sa kaniya, na ito ay ibinilang sa kaniya. 24 Ito ay para sa atin din. Ibibilang din ito na katuwiran sa mga sumampalataya sa Diyos na bumuhay kay Jesus na ating Panginoon mula sa mga patay. 25 Si Jesus ang ibinigay para sa ating mga pagsalangsang at ibinangon para sa pagpapaging-matuwid sa atin.
Ipinahayag ni Jesus ang Kaniyang Kamatayan
31 Sinimulan niyang magturo sa kanila: Kinakailangang ang Anak ng Tao ay maghirap ng maraming bagay at tanggihan ng mga matanda, mga pinunong-saserdote at mga guro ng kautusan at ipapapatay. At pagkalipas ng tatlong araw ay muling mabubuhay.
32 Hayagang sinabi ito ni Jesus sa kanila. Gayunman, isinama siya ni Pedro sa isang tabi at sinimulang sawayin siya.
33 Ngunit sa paglingon at pagkakita ni Jesus sa kaniyang mga alagad, sinaway niya si Pedro na sinasabi: Pumunta ka sa likuran ko, Satanas. Ito ay sapagkat hindi ukol sa Diyos ang iniisip mong mga bagay kundi ukol sa mga tao.
Tanggihan ang Sarili at Sumunod sa Akin
34 Pinalapit ni Jesus ang mga tao kasama ang kaniyang mga alagad at sinabi sa kanila: Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin, tanggihan niya ang kaniyang sarili, pasanin ang kaniyang krus at sumunod sa akin.
35 Ito ay sapagkat ang sinumang nagnanais na magligtas ng kaniyang buhay ay mawawalan nito. Datapuwat ang sinumang mawalan ng buhay dahil sa akin at sa ebanghelyo ay maililigtas niya ito. 36 Ano ang mapapakinabangan ng isang tao kung makamtan man niya ang buong sanlibutan at mawala ang kaniyang kaluluwa? 37 Ano ang maibibigay ng tao bilang kapalit ng kaniyang kaluluwa? 38 Ito ay sapagkat ang sinumang magkakahiya sa akin at sa aking mga salita sa harapan ng lahing ito na mapangalunya at makasalanan ay ikakahiya rin ng Anak ng Tao pagdating niya sa kaluwalhatian ng kaniyang Ama na kasama ng mga banal na anghel.
Ang Pagbabagong Anyo
2 Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro, Santiago at Juan. Dinala niya silang bukod sa mataas na bundok na sila lang ang naroroon. Siya ay nagbagong anyo sa harap nila.
3 Ang kaniyang kasuotan ay naging makinang, pumuti na gaya ng niyebe. Walang tagapagpaputi ng damit sa lupa ang makapagpapaputi ng ganoon. 4 Si Elias, kasama ni Moises ay nagpakita sa kanila na nakikipag-usap kay Jesus.
5 Si Pedro ay nagsabi kay Jesus: Guro, mabuti para sa amin na kami ay naririto. Magtatayo kami ng tatlong kubol, isa para sa iyo, isa para kay Moises at isa para kay Elias. 6 Hindi niya alam ang kaniyang sasabihin sapagkat sila ay takot na takot.
7 At dumating ang isang ulap at nililiman sila. Narinig nila ang isang tinig mula sa ulap na nagsasabi: Ito ang minamahal kong Anak, pakinggan ninyo siya.
8 Ngunit kapagdaka sa pagtingin nila sa paligid, wala na silang nakitang sinuman kundi si Jesus na lamang na kasama nila.
9 Habang sila ay bumababa mula sa bundok, pinagbilinan sila ni Jesus na huwag nilang sabihin kaninuman ang kanilang nakita malibang mabuhay mula sa mga patay ang Anak ng Tao.
Copyright © 1998 by Bibles International