Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
2 Narito, dinala nila sa kaniya ang isang lalaking paralitiko na nakahiga sa isang higaan. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko: Anak, lakasan mo ang iyong loob. Pinatawad na ang lahat mong kasalanan.
3 Narito, may ilan sa mga guro ng kautusan ang nagsabi sa kanilang sarili: Namumusong ang taong ito.
4 Si Jesus na nakakaalam ng kanilang mga iniisip ay nagsabi: Bakit kayo nag-iisip ng masama sa inyong mga puso? 5 Ito ay sapagkat alin ba ang higit na madali, ang sabihin: Ang kasalanan mo ay pinatawad na, o ang sabihin: Bumangon ka at lumakad? 6 Ginawa ko ito upang inyong malaman na ako, ang Anak ng Tao ay may kapamahalaang magpatawad ng mga kasalanan dito sa lupa. At sasabihin ko sa kaniya: Bumangon ka, buhatin mo ang iyong higaan. Umuwi ka na sa bahay ninyo. 7 Siya ay bumangon at umalis pauwi sa bahay niya.
8 Nang makita ito ng napakaraming tao ay namangha sila. Niluwalhati nila ang Diyos na nagbigay ng gayong kapamahalaan sa mga tao.
Tinawag ni Jesus si Mateo
9 Sa patuloy na paglalakad ni Jesus, nakita niya ang isang lalaki na nakaupo sa paningilan ng buwis na ang pangalan ay Mateo. Sinabi ni Jesus sa kaniya: Sumunod ka sa akin. Tumindig siya at sumunod sa kaniya.
10 Nangyari, na nang si Jesus ay nakaupo sa hapag-kainan ng bahay, narito, dumating ang maraming maniningil ng buwis at mga makasalanan. Sila ay umupo upang kumaing kasama niya at ang kaniyang mga alagad. 11 Nang makita ito ng mga Fariseo, sinabi nila sa kaniyang mga alagad: Bakit ang guro ninyo ay kumakaing kasalo ang mga maniningil ng buwis at ang mga makasalanan?
12 Ngunit nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya: Ang malulusog ay hindi nangangailangan ng manggagamot kundi ang mga maysakit. 13 Humayo kayo at pag-aralan ninyo ang kahulugan nito. Habag ang ibig ko at hindi hain sapagkat naparito ako, hindi upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan upang magsisi.
Copyright © 1998 by Bibles International