Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Biyaya ng Diyos kay Pablo
12 Nagpapasalamat ako kay Cristo Jesus na Panginoon natin na siyang nagpalakas sa akin. Inari niya akong tapat at siya ang nagtalaga sa akin upang maglingkod sa kaniya.
13 Noong una, ako ay mamumusong, isang mang-uusig at isang manlalait. Subalit ginawa ko ang mga ito dahil sa kawalan ng kaalaman at pananampalataya, kaya nga, kinahabagan niya ako. 14 Ngunit ang biyaya ng ating Panginoon ay labis na sumagana sa akin na kalakip ng pananampalataya at pag-ibig na na kay Cristo Jesus.
15 Narito ang isang mapagkakatiwalaang pananalita at karapat-dapat na lubos na tanggapin: Si Cristo Jesus ay naparito sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan. At ako ang pinakapusakal sa mga makasalanan. 16 Subalit ang dahilan kung bakit niya ako kinahabagan ay upang maipakita ni Jesucristo ang kaniyang buong pagtitiyaga una sa akin, upang maging isang huwaran sa mga sasampalataya sa kaniya at nang magkamit ng buhay na walang hanggan. 17 Ngayon, sa Haring walang hanggan at walang pagkabulok, at hindi nakikita, at tanging matalinong Diyos, sumakaniya ang karangalan at kaluwalhatian magpakailan pa man. Siya nawa.
18 Timoteo, anak ko, ito ang iniuutos ko sa iyo ayon sa mga unang paghahayag patungkol sa iyo. Makipaglaban ka ng mabuting pakikibaka. 19 Panghawakan mo ang pananampalataya at isang mabuting budhi dahil may mga taong tinanggihan ang mga ito. Ang naging bunga, ang kanilang pananampalataya ay naging tulad ng isang barko na nawasak. 20 Kabilang sa mga taong ito ay sina Himeneo at Alexander. Upang sila ay matutong huwag manlait, ibinigay ko sila kay Satanas.
Copyright © 1998 by Bibles International