Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Pakikiapid
12 Para sa akin, ang lahat ng bagay ay ayon sa kautusan, ngunit hindi lahat ay kapakipakinabang. Ang lahat ng bagay ay maaari kong gawin ngunit hindi ako magpapasakop sa kapamahalaan sa mga bagay na ito.
13 Ang pagkain ay para sa tiyan at ang tiyan ay para sa pagkain. Ang mga ito ay wawasakin ng Diyos. Ang katawan ay hindi para sa pakikiapid kundi para sa Diyos at ang Diyos ay para sa katawan. 14 Ang Diyos, na nagbangon sa Panginoon, ay siya ring magbabangon sa atin sa pamamagitan ng sarili niyang kapangyarihan. 15 Hindi ba ninyo alam na ang inyong mga katawan ay mga bahagi ni Cristo? Kukunin ko ba ang mga bahagi ni Cristo at gagawingbahagi ng isang patutot? Huwag nawang mangyari. 16 Hindi ba ninyo alam na angisang nakikipag-isa sa patutot ay kaisang laman niya? Ito ay sapagkat sinabi nga niya: Ang dalawa ay magiging isang katawan. 17 Ngunit siya na nakikipag-isa sa Diyos ay isang espiritu.
18 Layuan ninyo ang pakikiapid. Ang bawat kasalanang ginagawa ng tao ay sa labas ng katawan. Ngunit ang nakikiapid ay nagkakasala laban sa sarili niyang katawan. 19 Hindi ba ninyo alam na ang inyong katawan ay banal na dako ng Banal na Espiritu na nasa inyo? Ang inyong katawan ay mula sa Diyos at kayo ay hindi sa inyong sarili. 20 Ito ay sapagkat binili kayo sa halaga. Luwalhatiin nga ninyo ang Diyos sa inyong katawan at espiritu. Ang inyong katawan at espiritu ay sa Diyos.
Tinawag ni Jesus sina Felipe at Natanael
43 Kinabukasan ay ninais ni Jesus na pumunta sa Galilea. Nasumpungan niya si Felipe at sinabi sa kaniya: Sumunod ka sa akin.
44 Si Felipe ay taga-Betsaida na lungsod nina Andres at Pedro. 45 Nasumpungan ni Felipe si Natanael at sinabi sa kaniya: Nasumpungan namin siya, na patungkol sa kaniya ang isinulat ni Moises sa kautusan at isinulat din ng mga propeta. Siya ay si Jesus, ang anak ni Jose na taga-Nazaret.
46 At sinabi ni Natanael sa kaniya: May mabuti bang bagay na magmumula sa Nazaret?
Sinabi sa kaniya ni Felipe: Halika at tingnan mo.
47 Nakita ni Jesus si Natanael na papalapit sa kaniya, sinabi niya ang patungkol kay Natanael: Narito, ang isang totoong taga-Israel, sa kaniya ay walang pandaraya.
48 Sinabi sa kaniya ni Natanael: Papaano mo ako nakilala?
Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya: Bago ka pa tawagin ni Felipe ay nakita na kita nang ikaw ay nasa ilalim ng puno ng igos.
49 Sumagot si Natanael at sinabi sa kaniya: Guro, ikaw ang Anak ng Diyos. Ikaw ang Hari ng Israel.
50 Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya: Sumasampalataya ka ba dahil sinabi kong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos? Makikita mo ang mga bagay na mas dakila kaysa sa mga ito. 51 At sinabi ni Jesus sa kaniya: Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo: Mula ngayon ay makikita ninyong bukas ang langit. Makikita ninyo ang mga anghel ng Diyos ay pumapaitaas at bumababa sa Anak ng Tao.
Copyright © 1998 by Bibles International