Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Talinghaga Patungkol sa Sampung Dalaga
25 Ang paghahari ng mga langit ay katulad sa sampung dalagang birhen. Pagkakuha nila ng kanilang mga ilawan, sila ay lumabas upang salubungin ang lalaking ikakasal.
2 Ang lima sa kanila ay matalino at ang lima ay mangmang. 3 Ito ay sapagkat sila na mga mangmang, pagkakuha ng kanilang mga ilawan, ay hindi nagdala ng langis. 4 Ang mga matalino ay nagdala ng langis sa kanilang lalagyan kasama ng kanilang mga ilawan. 5 Ngunit natagalan ang lalaking ikakasal. Silang lahat ay inantok at nakatulog.
6 Ngunit mayroong sumigaw sa kalagitnaan na ng gabi. Kaniyang sinabi: Narito, dumarating na ang lalaking ikakasal! Lumabas kayo at salubungin siya.
7 Bumangon ang lahat ng mga dalagang birhen at inihanda ang kanilang mga ilawan. 8 Sinabi ng mga mangmang na mga birhen sa mga matalino: Bigyan ninyo kami ng mga langis sapagkat mamamatay na ang aming ilawan.
9 Sumagot ang matatalinong birhen: Hindi maaari. Baka hindi ito maging sapat para sa inyo at sa amin. Pumunta na lang kayo roon sa mga nagtitinda at bumili kayo para sa inyong sarili.
10 Ngunit nang sila ay umalis upang bumili, ang lalaking ikakasal ay dumating. Silang mga nakahanda ay pumasok na kasama ang lalaking ikakasal sa piging ng kasalan at ang pinto ay isinara.
11 Maya-maya ay dumating ang ibang mga dalagang birhen. Sinabi nila: Panginoon, Panginoon, pagbuksan mo kami.
12 Ngunit sumagot siya: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Hindi ko kayo nakikilala.
13 Magbantay nga kayo sapagkat hindi ninyo alam ang araw ni ang oras ng pagdating ng Anak ng Tao.
Copyright © 1998 by Bibles International