Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
10 May isang alagad sa Damasco na nagngangalang Ananias. Sa isang pangitain, sinabi ng Panginoon sa kaniya: Ananias.
Sinabi niya: Narito ako, Panginoon.
11 Sinabi ng Panginoon sa kaniya: Tumindig ka at pumaroon sa lansangang tinatawag na Tuwid. Ipagtanong mo sa bahay ni Judas ang isang nagngangalang Saulo na taga-Tarso sapagkat nananalangin siya ngayon. 12 Sa pangitain nakita ni Saulo ang isang lalaking ang pangalan ay Ananias na lumapit sa kaniya. At ipinatong ni Ananias ang kaniyang kamay kay Saulo upang siya ay makakita.
13 Sumagot si Ananias: Panginoon, nabalitaan ko sa marami ang patungkol sa lalaking ito kung gaano karaming kasamaan ang ginawa niya sa iyong mga banal sa Jerusalem. 14 Dito ay may kapahintulutan siya mula sa mga pinunong-saserdote na ibilanggo ang lahat ng mga tumatawag sa iyong pangalan.
15 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kaniya: Pumaroon ka. Ito ay sapagkat siya ay sisidlang hirang sa akin upang dalhin ang aking pangalan sa harapan ng mga Gentil, sa harapan ng mga hari, at ng mga anak ni Israel. 16 Ito ay sapagkat ipakikita ko sa kaniya kung gaano karaming mga bagay ang dapat niyang batahin dahil sa aking pangalan.
17 Lumakad nga si Ananias. Pumasok siya sa bahay upang ipatong kay Saulo ang kaniyang mga kamay na sinabi: Kapatid na Saulo, ang Panginoon, ang nagsugo sa akin. Siya ay si Jesus na nagpakita sa iyo sa daang iyong pinanggalingan. Sinugo niya ako upang tanggapin mo ang iyong paningin at mapuspos ka ng Banal na Espiritu. 18 Agad-agad na nangalaglag mula sa kaniyang mga mata ang mga parang kaliskis. Natanggap niya kaagad ang kaniyang mga paningin. Siya ay tumayo at binawtismuhan. 19 Siya ay kumain at lumakas.
Si Saulo sa Damasco at Jerusalem
Si Saulo ay nakisama ng ilang araw sa mga alagad na taga-Damasco.
Copyright © 1998 by Bibles International