Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
8 Ngunit mga minamahal, huwag ninyong kalimutan ito: Sa Panginoon ang isang araw ay tulad sa isang libong taon at ang isang libong taon ay tulad ng isang araw. 9 Ang katuparan ng pangako ay hindi inaantala ng Panginoon tulad ng inaakala ng iba. Siya ay mapagtiis sa atin. Hindi niya nais na ang sinuman ay mapahamak kundi ang lahat ay magsisi.
10 Ngunit ang araw ng Panginoon ay darating tulad ng magnanakaw sa gabi. Sa araw na iyon ang kalangitan ay mapaparam na may malakas na ugong. Ang lahat ng mga sangkap na bumubuo ng sanlibutan ay masusunog at mawawasak. Ang lupa at ang mga bagay na ginawa na naroroon ay mapupugnaw.
11 Yamang ang lahat ng bagay na ito ay mawawasak, ano ngang pagkatao ang nararapat sa inyo? Dapat kayong mamuhay sa kabanalan at pagkamaka-Diyos. 12 Hintayin ninyo at madaliin ang pagdating ng araw ng Diyos. Sa araw na iyon ang langit ay masusunog at mawawasak. Ang lahat ng mga sangkap na bumubuo ng sanlibutan ay matutunaw sa matinding init. 13 Ngunit ayon sa pangako ng Diyos tayo ay naghihintay ng bagong langit at bagong lupa. Ang katuwiran ay nananahan doon.
14 Kaya nga, mga minamahal, yamang hinihintay natin ang mga bagay na ito, sikapin ninyong masumpungan niya tayong walang dungis at walang kapintasan at mapayapa sa kaniyang pagdating. 15 Inyong ariin na ang pagtitiis ng ating Panginoon ay kaligtasan. Ito rin ang isinulat sa inyo ng minamahal na kapatid nating si Pablo ayon sa karunungang kaloob sa kaniya.
Inihanda ni Juan na Tagapagbawtismo ang Daan
1 Ito ang pasimula ng ebanghelyo patungkol kay Jesucristo, ang Anak ng Diyos.
2 Ito ang nasusulat sa aklat ng mga propeta:
Narito, isusugo ko ang aking sugo na mauuna sa inyo. Siya ang maghahanda sa harap mo ng iyong daraanan.
3 May isang tinig ng isang sumisigaw sa ilang. Sinabi niya: Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon. Tuwirin ninyo ang kaniyang mga landas.
4 Si Juan ay dumating na nagbabawtismo sa ilang. Ipinapangaral niya ang bawtismo ng pagsisisi para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. 5 Pumunta sa kaniya ang lahat ng mga taga-Judea at lahat ng mga taga-Jerusalem. Inihahayag nila ang kanilang mga kasalanan, at lahat sila ay binawtismuhan ni Juan sa ilog ng Jordan. 6 Ang damit ni Juan ay yari sa balahibo ng kamelyo, at sa baywang niya ay may pamigkis na katad. Balang at pulut-pukyutan ang kaniyang kinakain. 7 Kaniyang ipinapangaral ang ganito: Ang sumusunod sa hulihan ko ay higit na makapangyarihan kaysa sa akin. Hindi ako karapat-dapat yumukod at magkalag ng tali ng kaniyang mga panyapak. 8 Binabawtismuhan ko kayo sa tubig, ngunit babawtismuhan niya kayo sa Banal na Espiritu.
Copyright © 1998 by Bibles International