Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Bumagsak ang Babilonya
18 Pagkatapos ng mga bagay na ito, nakita ko ang isang anghel na bumababa mula sa langit na may malaking kapamahalaan. Ang kaniyang kaluwalhatian ay nagliwanag sa lupa.
2 Siya ay sumigaw sa isang napakalakas na tinig at sinabi niya:
Bumagsak na! Ang dakilang Babilonya ay bumagsak na! Ito ay naging isang dakong tirahan ng mga demonyo. Ito ay naging isang bilangguan ng bawat karumal-dumal na espiritu at bawat karumal-dumal na ibon na kinapopootan ng mga tao.
3 Ito ay sapagkat ang lahat ng mga bansa ay uminom ng alak ng poot ng kaniyang pakikiapid. Ang mga hari sa lupa ay nakiapid sa kaniya. Ang mga mangangalakal sa lupa ay yumaman sa kahalayan ng kaniyang kayamanan.
4 Pagkatapos, nakarinig ako ng isa pang tinig mula sa langit na sinasabi:
Mga tao ko, lumayo kayo sa kaniya upang hindi kayo madamay sa kaniyang mga kasalanan, at upang hindi ninyo tanggapin ang kaniyang mga salot.
5 Ang kaniyang mga kasalanan ay nagkapatong-patong hanggang langit at naalala ng Diyos ang kaniyang masasamang gawa. 6 Ibigay ninyo sa kaniya ang anumang naibigay niya sa inyo. At bayaran ninyo siya ng makalawang ulit ayon sa kaniyang mga gawa. Ang saro na kaniyang hinalo ay haluin mo ng makalawang ulit para sa kaniya. 7 Sa halagang ipinangluwalhati niya sa kaniyang sarili at namuhay sa napakalaking kayamanan, sa gayunding halaga ay bigyan ninyo siya ng paghihirap at pananangis. Sapagkat sinasabi niya sa kaniyang puso: Ako ay umuupo bilang isang reyna at hindi bilang isang balo. At kailanman ay hindi ako makakakita ng pananangis. 8 Kaya nga, sa isang araw ang kaniyang mga salot ay darating sa kaniya. Ang mga ito ay kamatayan, kalumbayan at kagutuman. Siya ay susunugin nila sa apoy sapagkat ang Panginoong Diyos ang hahatol sa kaniya.
9 At kapag makita nila ang usok na pumapailanglang mula sa pinagsusunugan sa kaniya, ang mga hari sa lupa ay tatangis at mananaghoy na para sa kaniya, sila yaong mga nakiapid sa kaniya at namuhay sa napakalaking kayamanan. 10 Dahil natakot sila sa pahirap sa kaniya, sila ay tatayo sa malayo. Sasabihin nila:
Aba! Aba! Ang dakilang lungsod! Ang Babilonya, ang malakas na lungsod! Sapagkat sa loob ng isang oras ang iyong kahatulan ay dumating.
Copyright © 1998 by Bibles International