Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Efeso 1:15-23

Pasasalamat at Pananalangin

15 Kaya nga, ako ay nagpapasalamat para sa inyo, nang marinig ko ang inyong pananampalataya sa Panginoong Jesus at ang pag-ibig ninyo sa lahat ng mga banal.

16 Dahil dito, patuloy din akong nagpapasalamat para sa inyo at binabanggit ko kayo sa aking mga panalangin. 17 Dumadalangin ako sa Diyos ng ating Panginoong Jesucristo, ang Ama ng kaluwal­hatian, na ipagkaloob niya sa inyo ang espiritu ng karunungan at kapahayagan sa kaalaman sa kaniya. 18 Idinadalangin kong maliwanagan ang mata ng inyong isipan upang malaman ninyo kung ano ang pag-asa ng kaniyang pagtawag at kung ano ang yaman ng kaluwalhatian ng kaniyang pamana sa mga banal. 19 Idinadalangin kong malaman ninyo kung ano ang nakaka­higit na kadakilaan ng kaniyang kapangyarihan patungkol sa atin na sumasampalataya, ayonsa paggawa ng lawak ng kadakilaan ng kaniyang kapangyarihan. 20 Sa pamamagitan ng kapangyarihang ito, binuhay niya si Cristo mula sa mga patay at siya ay kaniyang pinaupo sa bahaging kanan ng kaniyang kamay sa kalangitan. 21 Doon siya ay higit na nakakataas sa bawat pamunuan at kapamahalaan at kapang­yarihan at pag­hahari at sa bawat pangalang ipinangalan. Ito ay hindi lamang sa kapanahunang ito kundi sa darating pa. 22 At ang lahat ng mga bagay ay ipinailalim niya sa kaniyang mga paa. At ipinagkaloob sa kaniya na maging ulo ng lahat-lahat ng mga bagay para sa iglesiya. 23 Ang iglesiya ang kaniyang katawan, ang kapuspusan niya na pumupuno sa lahat lahat.

 

Mateo 25:31-46

Ang mga Tupa at ang mga Kambing

31 Darating ang Anak ng Tao sa kaniyang kaluwalhatian kasama ng mga banal na anghel. Kapag siya ay dumating, siya ay uupo sa trono ng kaniyang kaluwalhatian.

32 Titipunin niya ang lahat ng mga bansa sa kaniyang harapan. Ihihiwalay niya sila sa isa’t isa katulad ng paghihiwalay ng pastol sa mga tupa mula sa mga kambing. 33 Itatalaga niya ang mga tupa sa kaniyang kanang kamay, ngunit ang mga kambing ay sa kaniyang kaliwa.

34 Pagkatapos ay sasabihin ng hari sa mga nasa kaniyang kanang kamay: Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama. Manahin ninyo ang paghaharing inihanda sa inyo mula pa nang itatag ang sanlibutan. 35 Ito ay sapagkat nagutom ako at binigyan ninyo ako ng makakain. Nauhaw ako at binigyan ninyo ako ng maiiinom. Ako ay naging taga-ibang bayan at ako ay inyong pinatuloy. 36 Ako ay naging hubad at dinamitan ninyo. Nagkasakit ako at ako ay inyong dinalaw. Nabilanggo ako at ako ay inyong pinuntahan.

37 Sasagot naman ang mga matuwid sa kaniya: Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom at pinakain ka namin o nauhaw at binigyan ng maiinom? 38 Kailan ka namin nakitang naging taga-ibang bayan at pinatuloy ka o naging hubad at dinamitan ka namin? 39 Kailan ka namin nakitang nagkasakit o nabilanggo at dumalaw kami sa iyo?

40 Sasagot ang hari sa kanila: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Anuman ang ginawa ninyo sa isa sa pinakamaliit na kapatid ko, ginawa ninyo ito sa akin.

41 Sasabihin din niya roon sa mga nasa kaliwa: Lumayo kayo sa akin, mga isinumpa. Doon kayo sa apoy na walang hanggan na inihanda para sa diyablo at sa kaniyang mga anghel. 42 Ito ay sapagkat nagutom ako ngunit hindi ninyo ako binigyan ng makakain. Nauhaw ako ngunit hindi ninyo ako binigyan ng maiinom. 43 Ako ay naging taga-ibang bayan ngunit hindi ninyo ako pinatuloy. Ako ay naging hubad ngunit hindi ninyo ako dinamitan. Nagkasakit ako at nabilanggo ngunit hindi ninyo ako dinalaw.

44 Sasagot din sila sa kaniya: Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom, o nauhaw, o naging taga-ibang bayan, o naging hubad o nabilanggo at hindi kami naglingkod sa iyo?

45 Siya ay sasagot sa kanila na sinasabi: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Anuman ang hindi ninyo ginawa para sa isa sa mga pinakamaliit na ito, hindi rin ninyo ito ginawa sa akin.

46 Ang mga ito ay pupunta sa kaparusahang walang hanggan. Ngunit ang mga matuwid ay sa buhay na walang hanggan.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International