Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Pahayag 14:1-11

Ang Kordero at ang Isangdaan at Apatnapu’t Apat na Libong Tao

14 At nakita ko, narito, ang Korderong nakatayo sa bundok ng Zion. Siya ay may kasamang isangdaan at apatnapu’t apat na libong mga tao na nakatayo. May nakasulat na pangalan ng kaniyang ama sa kanilang mga noo.

Ako ay nakarinig ng isang tunog na mula sa langit na katulad ng tunog ng maraming tubig. Ito ay katulad ng isang napakalakas na kulog. Narinig ko ang tunog ng maraming manunugtog ng kudyapi na tumutugtog ng kanilang kudyapi. Sila ay umawit ng isang bagong awit sa harapan ng trono at sa harapan ng apat na buhay na nilalang at ng mga matanda. Walang sinumang matututo ng awit na iyon. Ang matututo lamang nito ay ang isangdaan at apatnapu’t apat na libong mga tao na tinubos ni Jesus sa lupa. Hindi dinungisan ng mga ito ang kanilang mga sarili sa mga babae. Sila ay mga birhen. Sila yaong mga sumu­sunod sa Kordero saan man siya pumaroon. Sila yaong mga tinubos ng Kordero bilang mga unang bunga para sa Diyos at para sa Kordero. Walang pandaraya sa kanilang mga bibig sapagkat wala silang anumang dungis sa harapan ng trono ng Diyos.

Ang Tatlong Anghel

At nakita ko ang isa pang anghel na lumilipad sa kalagitnaan ng langit. Taglay nito ang walang hanggang ebanghelyo na ipapahayag sa mga nananahan sa lupa. Kabilang dito ang bawat bansa at lipi at wika at mamamayan.

Sinabi niya sa isang malakas na tinig: Matakot kayo sa Diyos sapagkat dumating na ang oras ng kaniyang paghuhukom. Magbigay kayo ng papuri sa kaniya. Sambahin ninyo siya na gumawa ng langit at lupa at dagat at bukal ng mga tubig.

May isa pang anghel ang sumunod sa kaniya na nagsabi: Bumagsak na ang Babilonya! Bumagsak na ang dakilang lungsod ng Babilonya! Siya ay bumagsak dahil sa alak ng poot ng kaniyang pakikiapid na ipinainom niya sa lahat ng mga bansa.

Sumunod sa kanila ang pangatlong anghel. Sinabi niya sa isang malakas na tinig: Ito ang mangyayari sa sinumang sasamba sa mabangis na hayop at sa kaniyang larawan. Ito ay mangyayari sa sinumang tumanggap ng tatak sa kaniyang noo o sa kaniyang kamay. 10 Siya ay iinom ng alak ng poot ng Diyos, na ibinuhos niya na walang halo sa saro ng kaniyang poot. Pahihirapan siya sa apoy at nagniningas na asupre sa harapan ng mga banal na anghel at sa harapan ng Kordero. 11 Ang usok ng kanilang paghihirap ay puma­ilanlang mag­pakailan pa man. Ang mga sumamba sa mabangis na hayop at kaniyang larawan ay walang kapahingahan araw at gabi. Gayundin ang mga tumanggap ng tatak ng pangalan nito ay walang kapahingahan.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International