Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Pahayag 16:8-21

Ibinuhos ng pang-apat na anghel ang laman ng kaniyang mangkok sa araw. Binigyan siya ng kapangyarihan upang sunugin ang mga tao sa pamamagitan ng apoy. Sinunog nito ang mga tao sa pamamagitan ng matinding init. Nilapastangan nila ang pangalan ng Panginoon na siyang may kapamahalaan sa mga salot na ito. Hindi sila nagsisi upang magbigay ng kaluwalhatian sa kaniya.

10 Ibinuhos ng panglimang anghel ang laman ng kaniyang mangkok sa ibabaw ng luklukan ng mabangis na hayop. Ang paghahari nito ay naging kadiliman. Kinagat ng mga tao ang kanilang dila dahil sa matinding sakit. 11 Nilapastangan nila ang Diyos sa langit dahil sa sakit at mga sugat nila. Hindi nila pinagsisihan ang kanilang mga ginawa.

12 Ibinuhos ng pang-anim na anghel ang laman ng kaniyang mangkok sa dakilang ilog ng Eufrates. Ang mga tubig nito ay natuyo upang maihanda ang daan ng mga hari na mula sa silangan. 13 At nakita ko ang tatlong karumal-dumal na espiritu na katulad ng mga palaka. Sila ay lumabas mula sa bibig ng dragon, mula sa bibig ng mabangis na hayop at mula sa bibig ng bulaang propeta. 14 Sila ay ang mga espiritu ng mga demonyo na gumagawa ng mga tanda, na lumabas patungo sa mga hari sa lupa at patungo sa mga tao sa buong daigdig. Sila ay nagtungo roon upang tipunin silang sama-sama sa labanan ng dakilang araw na iyon ng Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat.

15 Narito, ako ay dumarating na katulad ng isang magna­nakaw. Pinagpala ang mananatiling gising sa pagbabantay at nag-iingat ng kaniyang mga damit. Sa ganitong paraan, siya ay hindi maglalakad ng hubad at hindi makikita ng mga tao ang kaniyang kahihiyan.

16 At tinipon silang sama-sama sa dakong tinatawag ng mga tao na Armagedon sa wikang Hebreo.

17 Ibinuhos ng pangpitong anghel ang laman ng kaniyang mangkok sa hangin. Isang malakas na tinig ang lumabas mula sa banal na dako ng langit, mula sa trono. Sinabi nito: Naganap na. 18 Nagkaroon ng mga sigawan, mga kulog at mga kidlat. Nagkaroon ng napakalakas na lindol. Simula ng magkatao ang daigdig ay hindi pa nagkaroon ng lindol na kasinglaki at kasinglakas nito na nangyari sa lupa. 19 Ang dakilang lungsod ay nahati sa tatlong bahagi. Ang mga lungsod ng mga bansa ay bumagsak. At naala-ala ng Diyos ang dakilang Babilonya upang ibigay ang saro ng alak ng galit ng kaniyang poot. 20 Ang bawat pulo ay nawala. Walang sinumang makakakita ng anumang bundok. 21 Bumagsak ang malalaking graniso sa mga tao na mula sa langit. Ang bawat isang piraso ay tumitimbang ng tatlumpu at limang kilo. Dahil sa napakalaking graniso, nilapastangan ng mga tao ang Diyos sapagkat ang salot ay napakatindi.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International