Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Sinugo sina Bernabe at Saulo
13 Sa iglesiya nga na nasa Antioquia ay may mga propeta at mga guro. Sila ay sina Bernabe, Simeon na tinatawag na Negro at si Lucio na taga-Cerene. Kabilang din si Manaem na kinakapatid ni Herodes na tetrarka at si Saulo.
2 Nang sila ay naglilingkod sa Panginoon at nag-aayuno, sinabi ng Banal na Espiritu: Ibukod ninyo sa akin si Bernabe at si Saulo para sa gawaing kung saan sila ay tinawag ko. 3 Nang makapanalangin na sila at makapag-ayuno, ipinatong nila ang kanilang mga kamay sa kanila at pagkatapos nito, sila ay pinahayo.
Sa Chipre
4 Kaya nga, sila na sinugo ng Banal na Espiritu ay lumusong sa Seleucia. Buhat doon ay naglayag sila hanggang sa Chipre.
5 Nang sila ay nasa Salamina, ipinangaral nila ang salita ng Diyos sa mga sinagoga ng mga Judio. Kasama rin naman nila si Juan na kanilang lingkod.
6 Nang matahak na nila ang buong pulo hanggang sa Pafos, nakatagpo sila ng isang manggagaway, isang bulaang propeta. Siya ay isang Judio na ang pangalan ay Bar-Jesus. 7 Kasama siya ng gobernador na si Sergio Paulo na isang lalaking matalino. Siya ang nagpatawag kay Bernabe at kay Saulo dahil hinahangad niyang mapakinggan ang salita ng Diyos. 8 Ngunit hinadlangan sila ni Elimas na manggagaway. Ang kahulugan ng pangalang Bar-Jesus ay Elimas. Pinagsisikapan niyang ilihis sa pananampalataya ang gobernador. 9 Ngunit tinitigan siya ni Saulo, na tinatawag ding Pablo, na puspos ng Banal na Espiritu. 10 Sinabi niya: O ikaw na anak ng diyablo, puno ka ng lahat ng pandaraya at ng lahat ng panlilinlang. Ikaw na kaaway ng lahat ng katuwiran, hindi ka ba titigil sa paglihis ng mga daang matuwid ng Panginoon? 11 At ngayon, narito, ang kamay ng Panginoon ay nasa iyo. Mabubulag ka at hindi mo makikita ang araw sa ilang panahon.
Kaagad na nahulog sa kaniya ang isang ulap at ang kadiliman. Siya ay lumibot na naghahanap ng aakay sa kaniya.
12 Nang magkagayon, nang makita ng gobernador ang nangyari, sumampalataya siya. At lubos silang namangha sa katuruan ng Panginoon.
Copyright © 1998 by Bibles International