Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
9 Ito ay sapagkat naala-ala ninyo, mga kapatid, ang aming pagpapagal at pagpapakapagod sa mga gawain dahil araw at gabi ay gumagawa kami upang huwag kaming maging pasanin ng sinuman sa inyo, sa aming pagpapahayag ng ebanghelyo ng Diyos.
10 Kayo ay mga saksi at ganoon din ang Diyos kung papaano kami namuhay kasama ninyo na mga sumasampalataya. Namuhay kaming banal at matuwid at walang kapintasan. 11 Alam ninyo kung paano namin pinalakas ang loob, inaliw at binigyang patotoo ang bawat isa sa inyo tulad ng isang ama sa sarili niyang mga anak. 12 Ito ay upang mamuhay kayo ng karapat-dapat sa Diyos na tumawag sa inyo sa kaniyang sariling paghahari at kaluwalhatian.
13 Dahil dito, kami rin ay walang patid na nagpapasalamat sa Diyos sapagkat nang tinanggap ninyo mula sa amin ang salitang inyong narinig na nanggaling sa Diyos, tinanggap ninyo ito hindi bilang salita ng mga tao. Subalit tinanggap ninyo ito, na ito nga ang salita ng Diyos na siya ring gumagawa sa inyo na sumasampalataya.
Mag-ingat sa mga Mapagpaimbabaw
23 Pagkatapos, si Jesus ay nagsalita sa napakaraming tao at sa kaniyang mga alagad.
2 Kaniyang sinabi: Ang mga guro ng kautusan at ang mga Fariseo ay umupo sa upuan ni Moises. 3 Lahat nga ng kanilang sabihin sa inyo upang sundin ay inyong sundin at gawin. Ngunit huwag ninyong gawin ang kanilang mga ginagawa sapagkat sila ay nagsasalita ngunit hindi gumagawa. 4 Ito ay sapagkat sila ay nagtatali ng mga mabibigat na pasanin na mahirap dalhin at inilalagay sa mga balikat ng mga tao. Ngunit ayaw man lamang nila itong maigalaw ng kanilang mga daliri.
5 Lahat ng kanilang mga gawa ay kanilang ginagawa upang makita ng mga tao. Iyan ang dahilan na pinalalapad nila ang kanilang mga pilakterya[a] at pinalalaki ang mga laylayan ng kanilang mga damit. 6 Inibig nila ang pangunahing dako sa mga hapunan at ang mga pangunahing upuan sa mga sinagoga. 7 Inibig din nila ang mga pagpupugay sa mga pamilihang dako at sila ay tawagin: Guro! Guro!
8 Huwag kayong patawag sa mga tao na guro sapagkat iisa ang inyong pinuno, si Cristo, at kayong lahat ay magkakapatid. 9 Huwag ninyong tawaging ama ang sinuman dito sa lupa sapagkat iisa ang inyong Ama na nasa langit. 10 Huwag kayong patawag na mga pinuno sapagkat iisa ang inyong pinuno, si Cristo. 11 Ngunit ang higit na dakila sa inyo ay magiging tagapaglingkod ninyo. 12 Ang sinumang magtataas ng kaniyang sarili ay ibababa at ang sinumang magpapakumbaba sa kaniyang sarili ay itataas.
Copyright © 1998 by Bibles International