Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
13 Ngunit sa aba ninyo, mga guro ng kautusan at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Ito ay sapagkat isinasara ninyo ang paghahari ng langit sa harap ng mga tao. Hindi kayo pumapasok at ang mga pumapasok ay inyong hinahadlangan. 14 Sa aba ninyo, mga guro ng kautusan at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Ito ay sapagkat nilalamon ninyo ang mga bahay ng mga babaeng balo. At sa pagkukunwari ay nananalangin nang mahaba. Dahil dito, kayo ay tatanggap ng higit na mabigat na kahatulan.
15 Sa aba ninyo, mga guro ng kautusan at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Ito ay sapagkat nililibot ninyo ang mga dagat at ang mga lupain upang sila ay maging Judio. Kapag siya ay naging Judio na, ginagawa ninyo siyang taong patungo sa impiyerno nang makalawang ulit kaysa sa inyo.
16 Sa aba ninyo, mga bulag na tagapag-akay! Sinasabi ninyo: Kung sinumang sumumpa sa pamamagitan ng banal na dako, ito ay walang halaga. Ngunit ang sinumang sumumpa sa pamamagitan ng ginto sa banal na dako, siya ay may pananagutan. 17 Mga mangmang at bulag! Alin ang higit na dakila, ang ginto o ang banal na dako na nagpabanal sa ginto? 18 Sinasabi rin ninyo: Ang sinumang sumumpa sa pamamagitan ng dambana, ito ay walang halaga. Ngunit ang sinumang sumumpa sa pamamagitan ng kaloob na nasa dambana ay may pananagutan. 19 Mga mangmang at bulag! Alin ang higit na dakila, ang handog o ang dambana na nagpapabanal sa handog? 20 Siya na sumusumpa sa pamamagitan ng dambana ay sumusumpa sa pamamagitan nito at sa lahat ng mga bagay na naririto. 21 Siya na sumusumpa sa pamamagitan ng banal na dako ay sumusumpa sa pamamagitan nito at sa pamamagitan niya na naninirahan dito. 22 Siya na sumusumpa sa pamamagitan ng langit ay sumusumpa sa pamamagitan ng trono ng Diyos at sa kaniya na nakaupo rito.
23 Sa aba ninyo, mga guro ng kautusan at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Ito ay sapagkat nagbabayad kayo ng ikasampung bahagi ng yerbabuena, anis at komino ngunit pinababayaan ninyo ang higit na mahalaga sa kautusan. Ito ay ang mga paghukom, habag at katapatan. Ang mga ito ang dapat ninyong gawin at huwag kaligtaan ang iba. 24 Mga bulag na tagapag-akay! Sinasala ninyo ang lamok ngunit nilulunok ninyo ang kamelyo.
25 Sa aba ninyo, mga guro ng kautusan at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Ito ay sapagkat nililinis ninyo ang labas ng saro at ng pinggan ngunit sa loob nito ay puno ng kasakiman at kawalan ng pagpipigil sa sarili. 26 Kayong mga bulag na Fariseo! Linisin muna ninyo ang loob ng saro at ng pinggan upang maging malinis ang labas ng mga ito.
27 Sa aba ninyo, mga guro ng kautusan at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Ito ay sapagkat kayo ay katulad ng mga pinaputing nitso. Ito ay maganda sa labas ngunit sa loobay puno ng buto ng mga patay at lahat ng karumihan. 28 Gayundin nga kayo, sa panlabas ay matuwid kayo sa harap ng mga tao ngunit sa loob ay puno kayo ng pagpapaimbabaw at hindi pagkilala sa kautusan ng Diyos.
Copyright © 1998 by Bibles International