Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Kamatayan ni Moises
34 Umahon si Moises mula sa kapatagan ng Moab patungo sa Bundok ng Nebo, sa taluktok ng Pisga, sa gawing silangan ng Jerico. Ipinakita sa kanya roon ni Yahweh ang buong lupain. Mula sa Gilead hanggang Dan, 2 ang buong Neftali, ang lupain ng Efraim at Manases, ang buong lupain ng Juda hanggang sa Dagat ng Mediteraneo, 3 ang katimugan at ang kapatagan, samakatuwid ay ang libis ng Jerico, ang lunsod ng mga palmera, hanggang Zoar. 4 Sinabi(A) sa kanya ni Yahweh, “Iyan ang lupain na aking ipinangako sa iyong mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob. Sinabi ko sa kanilang ibibigay ko ito sa kanilang lahi. Ipinakita ko ito sa iyo ngunit hindi mo mararating.”
5 At si Moises na lingkod ni Yahweh ay namatay sa lupain ng Moab, tulad ng sinabi ni Yahweh. 6 Inilibing siya ni Yahweh sa isang libis sa Moab sa tapat ng Beth-peor, ngunit hanggang ngayo'y walang nakakaalam ng tiyak na lugar. 7 Siya'y sandaa't dalawampung taóng gulang nang mamatay. Hindi lumabo ang kanyang paningin at hindi rin nanghina ang kanyang pangangatawan. 8 Tatlumpung araw siyang ipinagluksa ng Israel sa kapatagan ng Moab.
9 Si Josue na anak ni Nun ay napuno ng karunungan sa pamamahala sapagkat ipinatong sa kanya ni Moises ang kanyang mga kamay. Sumunod sa kanya ang mga Israelita at ginawa nila ang lahat ng utos na ibinigay ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises.
10 Mula(B) noon ay wala nang lumitaw sa Israel na propetang katulad ni Moises na nakipag-usap nang harap-harapan kay Yahweh. 11 Wala na ring nakagawa ng mga kababalaghang tulad ng ipinagawa sa kanya ni Yahweh sa Egipto, sa harapan ng Faraon at ng mga lingkod nito. 12 Walang ibang nakagawa ng makapangyarihan at pambihirang mga gawa tulad ng ginawa ni Moises sa harapan ng bayang Israel.
IKAAPAT NA AKLAT
Ang Diyos at ang Tao
Panalangin ni Moises, ang lingkod ng Diyos.
90 Panginoon naming Diyos, ikaw ang aming tahanan,
buhat pa nang simulang lumitaw ang aming angkan.
2 Wala pa ang mga bundok, hindi mo pa nilalalang,
hindi mo pa nililikha itong buong daigdigan,
ikaw noon ay Diyos na,
pagkat ika'y walang hanggan.
3 Yaong taong nilikha mo'y bumabalik sa alabok,
sa lupa ay nagbabalik kapag iyong iniutos.
4 Ang(A) sanlibong mga taon ay para bang isang araw,
sa mata mo, Panginoon, isang kisap-mata lamang;
isang saglit sa magdamag na ito ay dumaraan.
5 Mga tao'y pumapanaw na para mong winawalis,
parang damo sa umagang tumubo sa panaginip.
6 Parang damong tumutubo, may taglay na bulaklak,
kung gumabi'y nalalanta't bulaklak ay nalalagas.
13 Hanggang kailan pa ba, Yahweh, ang ganitong kalagayan?
Parang awa mo na, mga lingkod mo'y iyong tulungan!
14 Kung umaga'y ipadama iyong wagas na pag-ibig,
at sa buong buhay nami'y may galak ang aming awit.
15 At ang aming kahirapan palitan mo ng ginhawa,
singhaba rin ng panahon ang ipalit na ligaya.
16 Ipakita sa lingkod mo ang dakila mong gawain,
at sa sunod naming lahi, ipadama ay gayon din.
17 Panginoon naming Diyos, kami sana'y pagpalain,
magtagumpay nawa kami sa anumang aming gawin!
Magtagumpay nawa kami!
Ang Paglilingkod ni Pablo sa Tesalonica
2 Mga kapatid, kayo na rin ang nakakaalam na hindi nawalan ng kabuluhan ang pagpunta namin sa inyo. 2 Alam(A) ninyong hinamak kami't inalipusta sa Filipos, ngunit sa kabila ng maraming hadlang, binigyan kami ng Diyos ng lakas ng loob na ipahayag sa inyo ang Magandang Balita. 3 Ang pangangaral namin ay hindi batay sa kamalian, o sa masamang layunin, o sa hangad na manlinlang. 4 Sapagkat minarapat ng Diyos na ipagkatiwala sa amin ang Magandang Balita, nangangaral kami, hindi upang bigyang-kasiyahan ang tao, kundi ang Diyos na sumisiyasat ng ating puso. 5 Alam ninyo na ang aming pangangaral ay hindi sa pamamagitan ng matatamis na pangungusap, o ng mga salitang nagkukubli ng kasakiman. Saksi namin ang Diyos. 6 Hindi kami naghangad ng papuri ninyo o ninuman 7 kahit bilang mga apostol ni Cristo ay may karapatan kaming humingi ng anuman mula sa inyo. Sa halip ay naging magiliw kami sa inyo, tulad ng inang mapagkalinga sa kanyang mga anak. 8 Dahil sa laki ng aming pagmamahal sa inyo, hindi lamang kami handang ibahagi sa inyo ang Magandang Balita, kundi maging ang aming buhay.
Ang Pinakamahalagang Utos(A)
34 Nagtipun-tipon ang mga Pariseo nang mabalitaan nilang napatahimik ni Jesus ang mga Saduseo. 35 Isa(B) sa kanila, na dalubhasa sa Kautusan, ang nagtanong kay Jesus upang subukin ito. 36 “Guro, alin po ang pinakamahalagang utos sa Kautusan?” tanong niya.
37 Sumagot(C) si Jesus, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, buong kaluluwa mo, at buong pag-iisip mo. 38 Ito ang pinakamahalagang utos. 39 Ito(D) naman ang pangalawa: Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili. 40 Sa dalawang utos na ito nakasalalay ang buong Kautusan ni Moises at ang katuruan ng mga propeta.”
Ang Tanong tungkol sa Anak ni David(E)
41 Tinanong naman ni Jesus ang mga Pariseong nagkakatipon doon. 42 “Ano ang pagkakilala ninyo tungkol sa Cristo? Kanino siyang anak?”
“Kay David po,” sagot nila.
43 Sabi ni Jesus, “Kung gayon, bakit siya tinawag ni David na ‘Panginoon’ noong pinapatnubayan siya ng Espiritu? Ganito ang kanyang sinabi,
44 ‘Sinabi(F) ng Panginoon sa aking Panginoon:
Maupo ka sa kanan ko,
hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.’
45 Ngayon, kung si David ay tumawag sa kanya ng ‘Panginoon,’ paanong masasabing anak ni David ang Cristo?” 46 Isa man sa kanila'y walang nakasagot, at mula noo'y wala nang nangahas magtanong sa kanya.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.