Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
32 Ipinangangaral namin sa inyo ang ebanghelyo na ipinangako sa ating mga ninuno. 33 Tinupad din ito ng Diyos sa atin na mga anak nila nang muli niyang buhayin si Jesus. Gaya rin naman ng nasusulat sa ikalawang Awit:
Ikaw ay aking Anak. Sa araw na ito ay ipinanganak kita.
34 Patungkol naman sa muli niyang pagkabuhay mula sa mga patay upang hindi magbalik sa pagkabulok ay nagsalita siya ng ganito:
Ibibigay ko sa iyo ang mga tapat na pangako ng Diyos kay David.
35 Kaya nga, sinabi rin niya sa ibang Awit:
Hindi mo pababayaan na ang iyong Banal ay magdanas ng pagkabulok.
36 Ito ay sapagkat si David, nang matapos niyang paglingkuran ang kaniyang sariling lahi ayon sa kalooban ng Diyos ay namatay. Siya ay inilibing sa piling ng kaniyang mga ninuno at dumanas ng pagkabulok. 37 Ngunit siya na muling binuhay ng Diyos ay hindi dumanas ng pagkabulok.
38 Kaya nga, alamin ninyo ito mga kapatid, na sa pamamagitan ng lalaking ito ay ibinabalita sa inyo ang kapatawaranng mga kasalanan. 39 Sa pamamagitan niya, ang lahat ng sumasampalataya ay pinaging-matuwid sa lahat ng bagay. Sa mga bagay na ito ay hindi kayo maaaring mapapaging-matuwid sa pamamagitan ng kautusan ni Moises. 40 Mag-ingat nga kayo na huwag mangyari sa inyo ang sinalita ng mga propeta:
41 Narito, kayong mga mapangutya, mamangha kayo at mapapahamak sapagkat may gagawin ako sa inyong mga araw. Ito ay isang gawa na sa anumang paraan ay hindi ninyo paniniwalaan kahit na may isang tao pang magsabi sa inyo.
Copyright © 1998 by Bibles International