Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
21 Ito ay sapagkat sa ganang akin, ang mabuhay ay si Cristo at ang mamatay ay pakinabang. 22 Ngunit kung ang mabuhay sa laman ay mangangahulugan ng mabungang pagpapagal, hindi ko malaman kung ano ang aking pipiliin. 23 Ito ay sapagkat napipigilan ako ng dalawang pagpipilian. Nais kong pumanaw na upang mapasa piling ni Cristo na ito ay lalong mabuti. 24 Ngunit ang manatili sa katawan ay higit na kailangan dahil sa inyo. 25 Dahil lubos akong nakakatiyak sa bagay na ito,nalalaman kong ako ay mananatili at patuloy na makakasama ninyong lahat sa inyong pagsulong at kagalakan sa inyong pananampalataya. 26 Ito ay upang kung muli ninyo akong makasama ay mag-umapaw ang inyong pagmamapuri kay Cristo Jesus dahil sa akin.
27 Kinakailangang mamuhay kayong karapat-dapat sa ebanghelyo ni Cristo upang kung ako ay pumunta riyan at makita kayo o hindi man ay makabalita ako ng patungkol sa inyo, na kayo ay nananatiling matatag sa iisang espiritu at iisang isipan at sama-sama ninyong ipinagtatanggol ang pananampalataya ng ebanghelyo. 28 At hindi kayo maaaring takutin sa anumang paraan ng inyong mga kaaway. Sa kanila, ito ay maliwanag na palatandaan patungo sa kanilang ikapapahamak. Para sa inyo, ito ay sa ikaliligtas, at ito ay mula sa Diyos. 29 Sapagkat ipinagkaloob sa inyo alang-alang kay Cristo, hindi lamang ang sumampalataya sa kaniya kundi ang magbata rin naman ng hirap alang-alang sa kaniya. 30 Nasa inyo ang pakikipagbakang nakita ninyong nasa akin at nababalitaan ninyong nasa akin ngayon.
Ang Talinghaga Patungkol sa mga Manggagawa sa Ubasan
20 Ito ay sapagkat ang paghahari ng langit ay katulad sa isang may-ari ng sambahayan na lumabas nang maagang-maaga upang umupa ng mga manggagawa sa kaniyang ubasan.
2 Nang nakipagkasundo na siya sa mga manggagawa sa isang denaryo sa bawat araw, sinugo na niya sila sa kaniyang ubasan.
3 Lumabas siya nang mag-iikatlong oras na at nakita niya ang iba na nakatayo sa pamilihang dako na walang ginagawa. 4 Sinabi niya sa kanila: Pumunta rin naman kayo sa ubasan at kung ano ang nararapat, ibibigay ko sa inyo. Pumunta ngasila.
5 Lumabas siyang muli nang mag-iikaanim at mag-iikasiyam na ang oras at gayundin ang ginawa. 6 Nang mag-ikalabing-isang oras na, lumabas siya at natagpuan ang iba na nakatayo at walang ginagawa. Sinabi niya sa kanila: Bakit nakatayo kayo rito sa buong maghapon na walang ginagawa?
7 Sinabi nila sa kaniya: Ito ay sapagkat walang sinumang umupa sa amin.
Sinabi niya sa kanila:Pumunta rin naman kayo sa aking ubasan.Anuman ang nararapat, iyon ang tatanggapin ninyo.
8 Nang magtatakip-silim na, sinabi ng panginoon ng ubasan sa kaniyang katiwala: Tawagin mo ang mga manggagawa. Ibigay mo sa kanila ang kanilang mga upa, mula sa mga huli hanggang sa mga una.
9 Paglapit ng mga dumating ng mag-iikalabing-isang oras, tumanggap ng isang denaryo ang bawat isa. 10 Nang lumapit ang mga nauna, inakala nilang sila ay tatanggap ng higit pa. Ngunit sila ay tumanggap din ng tig-iisang denaryo. 11 Nang matanggap na nila ito, nagbulung-bulungan sila laban sa may-ari ng sambahayan. 12 Sinabi nila: Ang mga huling ito ay isang oras lamang gumawa at ipinantay mo sa amin na nagbata ng hirap at init sa maghapon.
13 Sumagot siya sa isa sa kanila: Kaibigan, wala akong ginawang kamalian sa iyo. Hindi ba nakipagkasundo ka sa akin sa isang denaryo? 14 Kunin mo ang ganang sa iyo at lumakad ka na. Ibig kong bigyan itong huli nang gaya ng ibinigay ko sa iyo. 15 Hindi ba nararapat lamang na gawin ko ang ibig kong gawin sa aking ari-arian?Tinitingnan ba ninyo ako nang masama dahil ako ay mabuti?
16 Kaya nga, ang mga huli ay mauuna at ang mga una ay mahuhuli sapagkat marami ang mga tinawag ngunit kakaunti ang mga pinili.
Copyright © 1998 by Bibles International