Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Mahina at ang Malakas
14 Tanggapin ninyo siya na mahina sa pananampalataya, ngunit hindi upang pagtalunan ang iba’t ibang kuro-kuro.
2 Ang isang tao ay naniniwalang maaari niyang kainin ang lahat ng bagay. Ang isa na mahina ay kumakain lamang ng gulay. 3 Siya na kumakain ay huwag maliitin ang isang hindi kumakain. Siya na hindi kumakain ay huwag humatol sa kaniya na kumakain sapagkat ang Diyos angtumanggap sa kaniya. 4 Sino ka upang hatulan mo ang katulong ng iba? Ang katulong na iyon ay tatayo o babagsak na subok sa harapan ng kaniyang sariling panginoon sapagkat magagawa ng Diyos na siya ay patayuin at siya ay makakatayo.
5 Isang tao ang kumikilalang ang isang araw ay higit na mahalaga kaysa sa ibang araw. Ang ibang tao naman ay kumikilalang ang bawat araw ay magkakatulad. Ang bawat isa ay magkaroon ng tiyak na kaisipan sa kaniyang sarili patungkol sa bagay na ito. 6 Ang taong nagpapahalaga sa isang araw ay nagpapahalaga noon sa Panginoon. Ang hindi nagpapahalaga sa isang araw ay hindi nagpapahalaga noon sa Panginoon. Siya na kumakain ay kumakain para sa Panginoon sapagkat nagpapasalamat siya sa Diyos. Siya na hindi kumakain ay hindi kumakain para sa Panginoon at nagpapasalamat siya sa Diyos. 7 Ito ay sapagkat walang sinuman sa atin ang nabubuhay para sa kaniyang sarili lamang at walang sinumang tao na namamatay para sa kaniyang sarili lamang. 8 Ito ay sapagkat kung tayo ay nabubuhay, nabubuhay tayo sa Panginoon. Kung tayo ay mamamatay, mamamatay tayo sa Panginoon. Kaya nga, kung tayo ay nabubuhay o kung tayo ay mamamatay, tayo ay sa Panginoon.
9 Sa dahilang ito si Cristo ay namatay at bumangon at nabuhay muli upang siya ay maghari kapwa sa mga patay at sa mga buhay. 10 Ngunit bakit mo nga hinahatulan ang iyong kapatid? Bakit mo minamaliit ang iyong kapatid? Ito ay sapagkat tayong lahat ay tatayo sa harapan ng upuan ng paghatol ni Cristo. 11 Ito ay sapagkat nasusulat:
Sinasabi ng Panginoon: Kung papaanong ako ay nabubuhay, ang bawat tuhod ay luluhod sa harap ko, ang bawat dila ay maghahayag sa Diyos.
12 Kaya nga, ang bawat isa sa atin ay magbibigay sulit sa Diyos patungkol sa ating sarili.
Ang Talinghaga Patungkol sa Alipin na di Marunong Magpatawad
21 Lumapit si Pedro sa kaniya at sinabi: Panginoon, makailang ulit bang magkasala sa akin ang aking kapatid at siya ay aking patatawarin? Hanggang sa makapito ba?
22 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Sinasabi ko sa iyo na hindi lamang makapito kundi hanggang makapitumpung pitong ulit.
23 Ito ay sapagkat ang paghahari ng langit ay katulad sa isang hari na ibig maningil sa kaniyang mga alipin. 24 Nang magsimula na siyang maningil, iniharap sa kaniya ang isa na may utang sa kaniya ng sampung libong talento. 25 Ngunit sa dahilang wala siyang maibayad, iniutos ng kaniyang panginoon na ipagbili siya, gayundin ang kaniyang asawa, mga anak at lahat ng kaniyang tinatangkilik upang makabayad.
26 Ang alipin nga ay lumuhod at sinamba siya na sinasabi: Panginoon, pagpasensyahan mo muna ako at babayaran kita sa lahat ng utang ko. 27 Kaya ang panginoon ng aliping iyon ay nahabag at pinawalan siya at pinatawad ang kaniyang utang.
28 Ngunit paglabas ng alipin ding iyon, nakita niya ang kaniyang kapwa alipin na may utang sa kaniya ng isangdaang denaryo. Hinawakan niya ito at sinakal na sinabi: Bayaran mo ang utang mo sa akin.
29 Ang kaniyang kapwa alipin ay nagpatirapa sa kaniyang paanan. Nagmakaawa siya sa kaniya na sinasabi: Pagpasensyahan mo ako at babayaran kita sa lahat ng utang ko.
30 Ngunit ayaw niyang pumayag. Sa halip, ipinabilanggo niya ito hanggang sa makabayad ng kaniyang utang. 31 Kaya nang makita ng mga kapwa niya alipin ang nangyari, labis silang namighati. Lumapit sila sa kanilang panginoon at sinabi sa kaniya ang lahat ng nangyari.
32 Kaya, nang maipatawag na siya ng kaniyang panginoon, sinabi sa kaniya: O, ikaw na masamang alipin, pinatawad ko ang lahat mong pagkakautang dahil nagmakaawa ka sa akin. 33 Hindi ba nararapat na mahabag ka rin sa iyong kapwa alipin katulad nang pagkahabag ko sa iyo? 34 Sa matinding galit ng kaniyang panginoon, ibinigay siya sa mga tagapagpahirap sa bilangguan hanggang sa mabayaran niya ang lahat ng kaniyang utang.
35 Gayundin naman ang gagawin sa inyo ng aking Ama na nasa langit kapag hindi kayo nagpatawad nang taos sa inyong puso sa bawat kapatid sa kanilang pagsalangsang.
Copyright © 1998 by Bibles International