Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Mga Haing Buhay
12 Kaya nga, mga kapatid, sa pamamagitan ng mga kaawaan ng Diyos, ako ay namamanhik sa inyo. Iharap ninyo ang inyong mga katawan sa Diyos bilang isang haing buhay, banal at kalugud-lugod sa Diyos. Ito ang inyong katampatang paglilingkod.
2 Huwag ninyong iayon ang inyong mga sarili sa kapanahunang ito. Sa halip ay mabago kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong isipan. Ito ay upang masuri ninyo kung ano ang mabuti, kalugud-lugod at ganap na kalooban ng Diyos.
3 Ito ay sapagkat sa pamamagitan ng biyaya na ibinigay sa akin, sinasabi ko sa inyong lahat: Huwag kayong mag-isip ng higit pa sa dapat ninyong isipin patungkol sa inyong sarili. Subalit mag-isip kayo sa wastong pag-iisip ayon sa sukat ng pananampalataya na ibinahagi ng Diyos sa bawat isa. 4 Ito ay sapagkat sa isang katawan ay mayroon tayong maraming bahagi. Ngunit ang mga bahaging ito ay may iba’t ibang gamit. 5 Gayundin tayo, na bagamat marami, ay iisang katawan kay Cristo. Ang bawat isa ay bahagi ng ibang bahagi. 6 Ngunit mayroon tayong iba’t ibang kaloob ayon sa biyaya na ibinigay ng Diyos sa atin. Kung ito man ay paghahayag ng salita ng Diyos, siya ay maghayag ayon sa sukat ng bahagi ng pananampalataya. 7 Kung ang kaloob ay paglilingkod, paglingkurin siya. Kung ito ay sa pagtuturo, pagturuin siya. 8 Kung ito ay sa pagpapayo, pagpayuhin siya. Kung ito ay sa pagbibigay, magbigay siya ng may katapatan. Kung ito ay sapangunguna, papangunahin siyang may kasigasigan. Kung ito ay pagkamahabagin, mahabag siyang may kasiyahan.
Ang Pahayag ni Pedro Patungkol sa Mesiyas
13 Nang makarating si Jesus sa mga lupain ng Cesarea Filipo, tinanong niya ang kaniyang mga alagad. Sinabi niya: Ayon sa sinasabi ng mga tao, sino raw ba ako na Anak ng Tao?
14 Sinabi nila: Ang sabi ng iba: Si Juan na tagapagbawtismo.Ang sabi ng ilan: Si Elias. At ang iba ay nagsabing ikaw si Jeremias, o isa sa mga propeta.
15 Sinabi niya sa kanila: Ngunit ayon sa inyo sino ako?
16 Sumagot si Simon Pedro: Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na buhay.
17 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Pinagpala ka, Simon na anak ni Jonas sapagkat hindi ito ipinahayag sa iyo ng laman at dugo kundi ng aking Ama na nasa langit. 18 At sinasabi ko rin sa iyo: Ikaw ay Pedro. Sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesiya. Hindi makakapanaig sa kaniya ang tarangkahan ng Hades. 19 Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng paghahari ng langit. Anuman ang iyong tatalian sa lupa ay tatalian sa langit. Anuman ang iyong kalagan sa lupa ay kakalagan sa langit. 20 Pagkatapos, ipinagbilin niya sa kaniyang mga alagad na huwag nilang sabihin kaninuman na siya ay si Jesus, ang Mesiyas.
Copyright © 1998 by Bibles International