Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Talinghaga Patungkol sa Magsasaka
12 Nagsimula si Jesus na magsabi sa kanila ng mga talinghaga: Isang lalaki ang nagtanim ng ubasan. Nilagyan niya ng bakod ang paligid niyon at naghukay ng dako para sa pisaan ng ubas at nagtayo ng isang bantayan. Pinaupahan niya iyon sa mga magsasaka at siya ay naglakbay sa isang malayong dako.
2 Sa panahon ng anihan siya ay nagsugo ng isang alipin sa mga magsasaka. Ito ay upang matanggap niya ang bunga ng ubasan mula sa mga magsasaka. 3 Subalit sinunggaban nila ang alipin, hinagupit at pinauwing walang dala. 4 Muli siyang nagsugo sa kanila ng ibang alipin. Subalit binato ito, hinampas sa ulo at pagkatapos alipustain ay pinauwi siya. 5 Muli siyang nagsugo ng ibang alipin ngunit ito ay pinatay nila. Nagsugo pa rin siya ng iba pang mga alipin. Ngunit ang ilan ay hinagupit at ang ilan ay pinatay.
6 Mayroon siyang isang anak na lalaki na kaniyang minamahal. Isinugo rin nga niya ito sa kanila sa huling pagkakataon na sinasabi: Igagalang nila ang aking anak.
7 Nag-usap-usap ang mga magsasaka: Ito ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya at nang mapasaatin ang mana. 8 Pagkatapos nila siyang sunggaban, pinatay nila siya at itinapon sa labas ng ubasan.
9 Ano nga ang gagawin ng may-ari ng ubasan? Pupuntahan niya at lilipulin ang mga magsasaka at ibibigay ang ubasan sa iba. 10 Hindi ba ninyo nabasa ang sinabi ng kasulatan:
Ang bato na itinakwil ng mga tagapagtayo ay siyang naging batong-panulok.
11 Ito ay mula sa Panginoon, at ito ay kamangha-mangha sa ating mga mata. Hindi ba ninyo ito nabasa?
12 Humahanap sila ng paraan upang hulihin si Jesus dahil batid nila na ang talinghagang kaniyang sinabi ay tila laban sa kanila. Ngunit dahil takot sila sa mga tao, umalis sila at iniwan si Jesus.
Copyright © 1998 by Bibles International