Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Maraming Taong Nakasuot ng Puting Damit
9 Pagkatapos kong makita ang mga bagay na ito, narito,ang napakaraming taong naroroon na walang sinumang makakabilang sa kanila. Sila ay mula sa bawat bansa, bawat lipi at bawat wika. Nakatayo sila sa harap ng trono at sa harap ng Kordero. Sila ay nakasuot ng maputing damit at may hawak na mga palaspas.
10 Sila ay sumisigaw ng isang malakas na tinig. Sinabi nila:
Ang kaligtasan ay sa kaniya na nakaupo sa trono at sa Kordero.
11 At ang lahat ng anghel at mga matanda at ang apat na kinapal na buhay ay nakatayo sa palibot ng trono. Sila ay nagpatirapa sa harap ng trono at sinamba ang Diyos. 12 Sinabi nila:
Siya nawa. Pagpapala at kaluwalhatian at karunungan at pasasalamat at karangalan at kapangyarihan at kalakasan sa ating Diyos magpakailan pa man. Siya nawa.
13 At isa sa mga matanda ang sumagot. Sinabi niya sa akin: Sino ang mga taong ito na nakasuot ng mapuputing damit? Saan sila nanggaling?
14 At sinabi ko sa kaniya: Ginoo, nalalaman mo iyan.
Sinabi niya sa akin: Sila ang mga nanggaling sa dakilang paghihirap. Hinugasan nila ang kanilang mga damit at pinaputi ang mga ito ng dugo ng kordero.
15 Dahil dito:
Sila ay nasa harapan ng trono ng Diyos. Pinaglilingkuran nila siya araw at gabi sa kaniyang banal na dako. Ang nakaupo sa trono ay mananahang kasama nila.
16 Kailanman ay hindi na sila magugutom at kailanman ay hindi na sila mauuhaw. Hindi na sila maiinitan ng sikat ng araw ni wala ng matinding init ang tatama sa kanila. 17 Ito ay sapagkat ang Korderong nasa gitna ng trono ang siyang mangangalaga sa kanila. Aakayin niya sila sa buhay na bukal ng tubig. At papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata.
Copyright © 1998 by Bibles International