Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Pag-aasawa
7 Patungkol sa mga bagay na isinulat ninyo sa akin, mabuti para sa isang lalaki na hindi niya hahawakan ang isang babae.
2 Gayunman, upang maiwasan ang pakikiapid, makapag-asawa nawa ang bawat lalaki at gayundin nawa ang bawat babae. 3 Dapat gampanan ng lalaki ang tungkulin niya sa kaniyang asawa at gayundin ang babae sa kaniyang asawa. 4 Ang asawang babae ay walang kapamahalaan sa sarili niyang katawan kundi ang lalaki. Gayundin ang lalaki, wala siyang kapamahalaan sa sarili niyang katawan kundi ang babae. 5 Huwag magkait ang sinuman sa isa’t isa maliban na lang kung napagkasunduan sa ilang panahon. Ito ay upang maiukol ninyo ang inyong sarili sa pag-aayuno at pananalangin. Pagkatapos noon ay magsamang muli upang hindi kayo matukso ni Satanas dahil sa inyong kawalan ng pagpipigil. 6 Ito ay sinasabi ko bilang pagpapahintulot at hindi bilang pag-uutos. 7 Ibig ko sana na ang lahat ng lalaki ay maging tulad ko, ngunit ang bawat isa ay may kani-kaniyang kaloob mula sa Diyos. Ang isa ay may kaloob sa ganitong bagay at ang isa ay may kaloob sa ganoong bagay.
8 Sa mga walang asawa at sa mga balo ay sinasabi ko: Mabuti para sa kanila ang manatili sa kalagayang tulad ko. 9 Ngunit kung hindi sila makapagpigil, hayaan silang mag-asawa sapagkat higit na mabuti ang mag-asawa kaysa mag-alab sa matinding pagnanasa.
Copyright © 1998 by Bibles International