Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Santiago 3:13-4:3

Dalawang Uri ng Karunungan

13 Sino sa inyo ang matalino at nakakaunawa? Hayaang ipakita niya sa pamamagitan ng mabuting pamumuhay ang kaniyang mga gawa na may mapagpakumbabang karunungan.

14 Maaaring magkaroon ng mapait na pag-iinggitan at makasariling pagnanasa sa inyong mga puso. Kung mayroon man, huwag kayong magmapuri at magsinungaling laban sa katotohanan. 15 Ang karunungang ito ay hindi nagmumula sa itaas, subalit ito ay mula sa lupa, makalaman at mula sa mga demonyo. 16 Kung saan may pag-iinggitan at makasariling pagnanasa, naroroon ang kaguluhan at lahat ng masamang bagay.

17 Ang karunungang nagmumula sa itaas una, sa lahat, ay dalisay, pagkatapos ay mapayapa, maamo, nagpapasakop, puno ng kahabagan at may mabubuting bunga. Ito ay hindi nagta­tangi at walang pagpapakunwari. 18 Ngunit ang bunga ng katuwiran ay itinatanim sa kapayapaan para doon sa mga gumagawa ng kapayapaan.

Ipasakop Ninyo sa Diyos ang Inyong mga Sarili

Saan nagmula ang mga pag-aaway at mga paglalaban-laban sa inyo? Hindi ba ito ay nagmula sa inyong mga pagnanasa sa kalayawan na nag-aaway sa inyong katawan?

May masidhi kayong paghahangad ngunit hindi kayo nagkaka­roon. Kayo ay pumapatay at nag-iimbot ngunit hindi kayo nag­kakamit. Kayo ay nag-aaway-away at naglalaban-laban. Hindi kayo nagkakaroon dahil hindi kayo humihingi. Humingi kayo, ngunit hindi kayo nakatanggap sapagkat ang inyong paghingi ay masama. Ang inyong hinihingi ay gagamitin ninyo sa inyong mga kalayawan.

Santiago 4:7-8

Ipasakop nga ninyo ang inyong mga sarili sa Diyos. Labanan ninyo ang diyablo at siya ay lalayo sa inyo. Magsilapit kayo sa Diyos at siya ay lalapit sa inyo. Kayong mga makasalanan, linisin ninyo ang inyong mga kamay. Kayong mga taong nagdadalawang-isip, dalisayin ninyo ang inyong mga puso.

Marcos 9:30-37

30 Sa kanilang pag-alis mula roon, dumaan sila sa Galilea. Ayaw ni Jesus na malaman ng sinuman na siya ay naroroon. 31 Ito ay sapagkat tinuturuan niya ang kaniyang mga alagad. Sinasabi niya sa kanila: Ang Anak ng Tao ay ibibigay sa kamay ng mga tao at siya ay papatayin nila. Pagkatapos ay babangon siya sa ikatlong araw. 32 Hindi nila ito naunawaan at natakot silang tanungin siya.

Sino ang Pinakadakila?

33 Dumating siya sa Capernaum. Nang siya ay nasa bahay, tinanong niya sila: Ano ang pinagtatalunan ninyo habang kayo ay nasa daan?

34 Ngunit sila ay tumahimik sapagkat ang kanilang pinagtatalunan habang nasa daan ay kung sino ang pinakadakila sa kanila.

35 Umupo siya at tinawag ang labindalawang alagad. Sinabi niya sa kanila: Kung ang sinuman ay nagnanais maging una ay mahuhuli sa lahat at maging tagapaglingkod ng lahat.

36 Kinuha niya ang isang maliit na bata, dinala sa kala­gitnaan nila at kinalong niya ito. Sinabi niya sa kanila: 37 Sinumang tumanggap sa maliit na batang tulad nito alang-alang sa aking pangalan ay ako ang tinatanggap. Sinumang tumanggap sa akin ay hindi ako ang tinatanggap kundi ang nagsugo sa akin.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International