Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Pagpapaamo ng Dila
3 Mga kapatid ko, nalalaman ninyo na tayong mga guro ay tatanggap ng lalong higit na kahatulan. Kaya nga, huwag maging guro ang marami sa inyo.
2 Ito ay sapagkat tayong lahat sa maraming paraan ay natitisod. Kung ang sinuman ay hindi nagkakamali sa kaniyang pananalita, siya ay taong ganap at napipigil niya ang kaniyang buong katawan.
3 Narito, nilalagyan natin ng bokado ang bibig ng mga kabayo upang tayo ay sundin nila. Sa pamamagitan ng bokado ay naililiko natin ang buong katawan nila. 4 Tingnan din ninyo ang mga barko. Ang mga ito ay malalaki at itinutulak ng malalakas na hangin. Gayunman, bagamat malalaki, ang mga ito ay inililiko ng napakaliit na timon saan man naisin ng taga-timon. 5 Gayundin naman ang dila. Ito ay isang maliit na bahagi ng katawan ngunit nagyayabang ng mga dakilang bagay. Narito, ang maliit na apoy ay nagpapaliyab ng malalaking kahoy. 6 Ang dila ay tulad ng apoy, sanlibutan ng kalikuan. Ang dila ay bahagi ng ating katawan na dumudungis sa kabuuan nito. Sinusunog nito ang mga pamamaraan kung paano tayo nabubuhay at ito ay pinag-aapoy ng impiyerno.
7 Ito ay sapagkat napaamo na ang lahat ng uri ng mga hayop at mga ibon at mga gumagapang na hayop at mga bagay sa dagat. At ito ay paaamuin ng tao. 8 Ngunit walang nakapagpaamo sa dila. Ito ay masamang bagay na hindi mapipigil at puno ng kamandag na nakakamatay.
9 Sa pamamagitan ng dila ay pinupuri natin ang Diyos Ama. Ginagamit din natin ito sa pagsumpa sa mga taong ginawa ng Diyos ayon sa kaniyang wangis. 10 Sa pamamagitan ng gayunding bibig ay lumalabas ang pagpuri at pagsumpa. Mga kapatid ko, hindi dapat maging ganito ang mga bagay na ito. 11 Ang bukal ba ay naglalabas ng matamis at ng mapait na tubig sa iisang butas? 12 Mga kapatid ko, makakapagbunga ba ng olivo ang puno ng igos? O ang puno ba ng ubas ay makakapagbunga ng igos? Gayundin, ang bukal ay hindi makakapaglabas ng maalat at matamis na tubig.
Ang Pahayag ni Pedro Patungkol sa Mesiyas
27 Si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay umalis patungo sa mga nayon ng Cesarea Filipo. Habang sila ay nasa daan,tinanong sila ni Jesus: Ayon sa sinasabi ng mga tao, sino raw ako?
28 Sumagot sila: Ang sabi ng iba: Si Juan na tagapagbawtismo. Ang sabi ng ilan: Si Elias. Ngunit ang iba ay nagsabing ikaw ay isa sa mga propeta.
29 Sinabi niya sa kanila: Ngunit ayon sa inyo, sino ako?
Sumagot si Pedro at sinabi sa kaniya: Ikaw ang Mesiyas.
30 Kaya mahigpit na ipinagbilin ni Jesus sa kanila na huwag nilang sasabihin sa kaninuman ang patungkol sa kaniya.
Ipinahayag ni Jesus ang Kaniyang Kamatayan
31 Sinimulan niyang magturo sa kanila: Kinakailangang ang Anak ng Tao ay maghirap ng maraming bagay at tanggihan ng mga matanda, mga pinunong-saserdote at mga guro ng kautusan at ipapapatay. At pagkalipas ng tatlong araw ay muling mabubuhay.
32 Hayagang sinabi ito ni Jesus sa kanila. Gayunman, isinama siya ni Pedro sa isang tabi at sinimulang sawayin siya.
33 Ngunit sa paglingon at pagkakita ni Jesus sa kaniyang mga alagad, sinaway niya si Pedro na sinasabi: Pumunta ka sa likuran ko, Satanas. Ito ay sapagkat hindi ukol sa Diyos ang iniisip mong mga bagay kundi ukol sa mga tao.
Tanggihan ang Sarili at Sumunod sa Akin
34 Pinalapit ni Jesus ang mga tao kasama ang kaniyang mga alagad at sinabi sa kanila: Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin, tanggihan niya ang kaniyang sarili, pasanin ang kaniyang krus at sumunod sa akin.
35 Ito ay sapagkat ang sinumang nagnanais na magligtas ng kaniyang buhay ay mawawalan nito. Datapuwat ang sinumang mawalan ng buhay dahil sa akin at sa ebanghelyo ay maililigtas niya ito. 36 Ano ang mapapakinabangan ng isang tao kung makamtan man niya ang buong sanlibutan at mawala ang kaniyang kaluluwa? 37 Ano ang maibibigay ng tao bilang kapalit ng kaniyang kaluluwa? 38 Ito ay sapagkat ang sinumang magkakahiya sa akin at sa aking mga salita sa harapan ng lahing ito na mapangalunya at makasalanan ay ikakahiya rin ng Anak ng Tao pagdating niya sa kaluwalhatian ng kaniyang Ama na kasama ng mga banal na anghel.
Copyright © 1998 by Bibles International