Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Marcos 7:9-23

Sinabi pa niya sa kanila: Napakahusay ninyong magpawalang-bisa sa utos ng Diyos, upang masunod ninyo ang inyong mga kaugalian. 10 Sinabi nga ni Moises: Igalang mo ang iyong ama at ina. Sinabi rin niya: Ang magsalita ng masama sa kaniyang ama o ina ay dapat siyang mamatay. 11 Subalit sinasabi ninyo: Kapag ang isang tao ay magsabi sa kaniyang ama at ina: Ang aking kaloob na salapi na kapaki-pakinabang sa inyo ay Corban. Ang ibig sabihin nito ay inihandog sa Diyos. 12 Sa gayong paraan ay pinahihintulutan ninyo siya na hindi na siya gumawa ng anumang bagay para sa kaniyang ama at ina. 13 Winawalang kabuluhan nga ninyo ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng inyong kaugalian, na inyong ibinigay. Marami pang bagay na tulad nito ang ginagawa ninyo.

14 Muling pinalapit ni Jesus sa kaniya ang napakaraming tao at sinabi niya sa kanila: Makinig kayong lahat sa akin at inyong unawain ang aking mga salita. 15 Ang nagpaparumi sa tao ay hindi ang pumapasok sa kaniya mula sa labas kundi ang lumalabas sa kaniya. 16 Ang sinumang may tainga na nakakarinig ay makinig.

17 Iniwan ni Jesus ang napakaraming tao at nang makapasok siya sa bahay, tinanong siya ng kaniyang mga alagad patungkol sa talinghaga. 18 Sinabi niya sa kanila: Kayo ba ay wala ring pang-unawa? Hindi ba ninyo nauunawaan na anumang bagay na pumasok sa tao mula sa labas ay hindi nagpaparumi sa kaniya? 19 Ito ay sapagkat hindi ito pumapasok sa kaniyang puso kundi sa tiyan at ito ay idinudumi sa palikuran. Sinabi ito ni Jesus upang ipahayag na ang lahat ng pagkain ay malinis.

20 Sinabi niya: Ang lumalabas sa tao ang nagpaparumi sa kaniya. 21 Ito ay sapagkat mula sa loob, sa puso ng tao nagmumula ang masamang kaisipan, mga pangangalunya, mga pakikiapid, mga pagpatay. 22 Mga pagnanakaw, mga pag-iimbot, mga kasamaan, pandaraya, kalibugan, pagkainggit, matang masama, pamumusong, kayabangan at kahangalan. 23 Ang lahat ng kasamaang ito ay nagmumula sa loob at siyang nagpaparumi sa tao.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International