Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Baluting Ibinibigay ng Diyos
10 Sa katapusan mga kapatid, magpakatibay kayo sa Panginoon at sa kaniyang makapangyarihang lakas.
11 Isuot ninyo ang buong baluti ng Diyos upang kayo ay makatayo laban sa mga lalang ng diyablo. 12 Ito ay sapagkat nakikipagtunggali tayo, hindi laban sa laman at dugo, subalit laban sa mga pamunuan, laban sa mga kapamahalaan, laban sa mga makapangyayari sa kadiliman sa kapanahunang ito at laban sa espirituwal na kasamaan sa mga dako ng kalangitan. 13 Dahil dito, kunin ninyo ang buong baluti ng Diyos upang kayo ay makatayo laban sa masamang araw at pagkagawa ninyo ng lahat ng mga bagay ay manatili kayong nakatayo. 14 Tumayo nga kayo na nabibigkisan ang inyong mga balakang ng katotohanan at isuot ninyo ang baluting pandibdib ng katuwiran. 15 Sa inyong mga paa ay isuot ang kahandaan ng ebanghelyo ng kapayapaan. 16 Higit sa lahat, kunin ninyo ang kalasag ng pananampalataya. Sa pamamagitan nito ay maaapula ninyo ang mga nag-aapoy na palaso ng masama. 17 Tanggapin din ninyo ang helmet ng kaligtasan at ang tabak ng Espiritu na siyang salita ng Diyos. 18 Sa lahat ninyong pananalangin at pagdaing ay manalangin kayong lagi sa pamamagitan ng Espiritu. Sa bagay na ito ay magpuyat kayo na may buong pagtitiyaga at pagdaing para sa lahat ng mga banal.
19 Ipanalangin ninyo ako, na bigyan ako ng pananalita, upang magkaroon ako ng tapang sa pagbukas ko ng aking bibig, upang maipahayag ang hiwaga ng ebanghelyo. 20 Dahil sa ebanghelyo, ako ay isang kinatawan na nakatanikala upang sa pamamagitan nito, makapagsalita akong may katapangan gaya ng dapat kong pagsasalita.
56 Siya na kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin. Ako naman ay sumasa kaniya. 57 Ang Amang buhay ang nagsugo sa akin at ako ay nabubuhay dahil sa Ama. Gayundin ang kumakain sa akin. Siya ay mabubuhay dahil sa akin. 58 Ito ang tinapay na bumabang mula sa langit. Hindi ito tulad nang ang inyong mga ninuno ay kumain ng mana at ngayon ay mga patay na. Siya na kumakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman. 59 Sinabi niya ang mga bagay na ito nang siya ay nagtuturo sa sinagoga sa Capernaum.
Marami sa mga Alagad ang Tumalikod kay Jesus
60 Marami nga sa kaniyang mga alagad na nang marinig ito ay nagsabi: Mahirap ang pananalitang ito. Sino ang makakaunawa nito?
61 Nalalaman ni Jesus sa sarili niya na nagbubulong-bulungan ang kaniyang mga alagad patungkol dito. Sinabi niya sa kanila: Nakakatisod ba ang sinabi ko sa inyo? 62 Gaano pa kaya kung makita ninyo ang Anak ng Tao na pumapaitaas sa dati niyang kinaroroonan? 63 Ang Espiritu ang siyang nagbibigay buhay. Walang napapakinabangan ang laman. Ang mga salitang sinasabi ko sa inyo ay espiritu at buhay. 64 Subalit mayroong ilan sa inyo na hindi sumasampalataya. Alam ni Jesus nang simula pa kung sino sila na hindi sasampalataya at kung sino ang magkakanulo sa kaniya. 65 Sinabi niya: Kaya nga, sinabi ko sa inyo: Walang sinumang makakalapit sa akin malibang ibigay ito sa kaniya ng aking Ama.
66 Mula noon marami sa kaniyang mga alagad ang bumalik at hindi na sumama sa kaniya.
67 Kaya nga, sinabi ni Jesus sa labindalawa: Nais din ba ninyong umalis?
68 Sumagot sa kaniya si Simon Pedro: Panginoon, kanino kami pupunta? Nasa iyo ang mga salita ng walang hanggang buhay. 69 Kami ay sumampalataya at nalaman namin na ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng buhay na Diyos.
Copyright © 1998 by Bibles International