Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Gawa 20:17-38

17 Mula sa Mileto ay nagsugo siya sa Efeso. Ipinatawag niya ang mga matanda sa iglesiya. 18 Nang makarating ang mga ito sa kinaroroonan niya, sinabi niya sa kanila: Nalalaman ninyo simula pa sa unang araw na tumungtong ako sa Asya kung papaano ako namuhay kasama ninyo sa buong panahon. 19 Ako ay naglilingkod sa Panginoon ng buong pagpapa­kumbaba ng isip at ng maraming luha. Dumaan ako sa mga mabigat na pagsubok dahil sa mga sabwatan ng mga Judio. 20 Nalalaman ninyo na wala akong ipinagkait na anumang bagay na mapapakinabangan ninyo. Nagturo ako sa inyo ng hayagan at sa bahay-bahay. 21 Pinatototohanan ko sa mga Judio at sa mga Griyego ang pagsisisi sa Diyos at pananam­palataya sa ating Panginoong Jesucristo.

22 Ngayon, narito, ako ay nabibigatan sa espiritu na pumunta sa Jerusalem. Hindi ko alam ang mga bagay na mangyayari sa akin doon. 23 Ang tanging alam ko, sa bawat lungsod ay pinatotohanan ng Banal na Espiritu, na sinasabing ang mga tanikala at mga paghihirap ang naghihintay sa akin. 24 Ngunit hindi ko inaalala ang mga bagay na iyon ni hindi ko itinuturing ang aking buhay na waring sa akin ay mahalaga. Nang sa gayon ay matapos ko ang aking takbuhin na may kagalakan at ang paglilingkod na tinanggap ko sa Panginoong Jesus upang magpatotoo sa ebanghelyo ng biyaya ng Diyos.

25 Ngayon, narito, nalalaman ko na kayong lahat na nalibot ko, upang pangaralan sa paghahari ng Diyos, ay hindi na muli pang makakakita ng aking mukha. 26 Kaya ipinahahayag ko sa inyo sa araw na ito, na wala akong pananagutan sa dugo ng lahat ng tao. 27 Ito ay sapagkat hindi ako nagkulang na ipangaral sa inyo ang buong kalooban ng Diyos. 28 Kaya nga, ingatan ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan. Sa kanila ay itinalaga kayong mga tagapangasiwa ng Banal na Espiritu upang pangalagaan ninyo ang iglesiya ng Diyos na binili niya ng sarili niyang dugo. 29 Ito ay sapagkat nalalaman ko ito, na sa pag-alis ko ay papasukin kayo ng mga mabagsik na lobo na walang patawad na sisila sa kawan. 30 Titindig mula sa mga kasamahan ninyo ang mga lalaking magsasalita ng mga bagay na lihis. Ang layunin nila ay upang ilayo ang mga alagad para sumunod sa kanila. 31 Kaya nga, magbantay kayo. Alalahanin ninyo na sa loob ng tatlong taon, gabi at araw ay hindi ako tumitigil ng pagbibigay babala sa bawat isa sa inyo na may mga pagluha.

32 Ngayon mga kapatid, inihahabilin ko kayo sa Diyos at sa salita ng kaniyang biyaya. Ito ang makapagpapatibay at makapagbibigay sa inyo ng mana, kasama ang lahat ng pinaging-banal. 33 Hindi ko hinangad ang pilak, ginto o ang pananamit ng sinuman. 34 Nalalaman din ninyo na ang mga kamay na ito ay gumawa para sa aking mga pangangailangan at ng aking mga kasamahan. 35 Nagpakita ako ng halimbawa sa inyo sa lahat ng mga bagay. Sa ganitong pagpapagal ay dapat kayong sumaklolo sa mahihina. Dapat ninyong alalahanin ang salita ng Panginoong Jesus na siya rin ang maysabi: Lalo pang pinagpala ang magbigay kaysa tumanggap.

36 Nang masabi niya ang lahat ng mga ito, lumuhod siya at nanalanging kasama nilang lahat. 37 Silang lahat ay tumangis na mainam. Niyakap nila si Pablo ng buong pagmamahal. 38 Ang lubha nilang ikinahapis ay ang sinabi niyang hindi na nila muling makikita ang kaniyang mukha. At inihatid nila siya sa barko.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International