Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Pagdaan sa Macedonia at Grecia
20 Pagkatapos na mapatigil ang kaguluhang ito, ipinatawag ni Pablo ang mga alagad. Nagpaalam siyasa kanila at siya ay umalis patungong Macedonia.
2 Nang makarating na siya sa mga dakong iyon, pinalakas niya ang kanilang mga kalooban sa pamamagitan ng mga salita. At siya ay dumating sa Grecia. 3 Tatlong buwan siyang nanatili roon. Nagkasabwatan na ang mga Judio laban sa kaniya at nang siya ay maglalayag na sa Siria, pinagpasiyahan niyang bumalik na dadaan sa Macedonia. 4 Sinamahan siya hanggang sa Asya ng mga taong ito: Si Sopatro na taga-Berea, sina Aristarco at Segundo na mga taga-Tesalonica, sina Gayo at Timoteo na mga taga-Derbe, at sina Tiquico at Trofimo na mga taga-Asya. 5 Nauna sila at hinintay kami sa Troas. 6 Naglayag kami mula sa Filipos pagkatapos ng kapistahan ng tinapay na walang pampaalsa. Nakarating kami sa kanila sa Troas sa loob ng limang araw at nanatili kami roon ng pitong araw.
Doon sa Troas, Si Eutico ay Ibinangon Mula sa mga Patay
7 Nang unang araw ng sanlinggo, ang mga alagad ay nagkakatipun-tipon upang magputul-putol ng tinapay. Nangaral si Pablo sa kanila dahil siya ay papaalis na kinabukasan. Tumagal ang kaniyang pangangaral hanggang hatinggabi. 8 Mayroong maraming ilaw sa silid sa itaas na pinagkakatipunan nila. 9 May nakaupo sa bintana na isang binatang nagngangalang Eutico. Dahil antok na antok na siya, nakatulog siya nang mahimbing. Sa kahabaan ng pangangaral ni Pablo at sa kaniyang mahimbing na pagkatulog, nahulog siya mula sa ikatlong palapag. Patay na nang siya ay damputin. 10 Nanaog si Pablo at dumapa sa ibabaw niya. Niyakap siya at sinabi: Huwag kayong magkagulo, sapagkat nasa kaniya pa ang kaniyang buhay. 11 Siya nga ay muling pumanhik at pinagputul-putol ang tinapay at kumain. Pagkatapos nito, nagsalita pa siya ng mahaba sa kanila hanggang sa sumikat na ang araw at pagkatapos ay umalis na siya. 12 At iniuwi nilang buhay ang binata at lubos silang naaliw.
Ang Pamamaalam ni Pablo sa Matatanda sa Efeso
13 Kami ay nauna sa barko at naglayag patungong Asos upang doon isakay si Pablo. Ito ang bilin niya dahil ibig niyang maglakad.
14 Nang sinalubong niya kami sa Asos, isinakay na namin siya, at kami ay pumunta sa Mitilene. 15 Naglayag kami mula roon, kinabukasan ay sumapit kami sa tapat ng Quio. Kinabukasan, dumating kami sa Samos at nanatili kami sandali sa Trogilium. Kinabukasan, dumating kami sa Mileto. 16 Ipinasiya ni Pablo na lampasan ang Efeso dahil ayaw niyang gumugol ng panahon sa Asya. Siya ay nagmamadali sapagkat ninanais niya hanggat maaari, na siya ay naroroon sa Jerusalem sa araw ng Pentecostes.
Copyright © 1998 by Bibles International