Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Nilitis si Pablo sa Harap ni Festo
25 Ngayon, nang makapasok na si Festo sa lalawigan, pagkaraan ng tatlong araw, umahon siya sa Jerusalem mula sa Cesarea.
2 Ang pinakapunong-saserdote at ang pangulo ng mga Judio ay nagbigay-alam sa kaniya laban kay Pablo. Namanhik sila sa kaniya. 3 Hiniling nila na pagbigyan sila na siya ay ipahatid sa Jerusalem. Binalak nilang tambangan siya upang patayin habang siya ay nasa daan. 4 Gayunman, sumagot si Festo na si Pablo ay pananatilihin sa Cesarea. Siya man ay patungo na roon sa madaling panahon. 5 Kaya nga, sinabi niya: Ang mga may kapangyarihan nga sa inyo ay sumamang lumusong sa akin. Kung may anumang pagkakasala ang lalaking ito, isakdal nila siya.
6 Nang siya ay makapanatili na sa kanilang lugar nang mahigit sa sampung araw, lumusong siya sa Cesarea. Kinabukasan, lumuklok siya sa hukuman at iniutos na dalhin si Pablo. 7 Nang dumating siya, pinaligiran siya ng mga Judio na lumusong mula sa Jerusalem. May dala silang marami at mabibigat na paratang laban kay Pablo na pawang hindi nila kayang patunayan.
8 At sinasabi ni Pablo, bilang pagtatanggol: Laban man sa kautusan ng mga Judio, ni laban man sa templo, ni laban man kay Cesar ay hindi ako magkakasala.
9 Ngunit si Festo, dahil ibig niyang kalugdan siya ng mga Judio, ay sumagot kay Pablo at nagsabi: Ibig mo bang umahon sa Jerusalem at doon ka hatulan sa mga bagay na ito sa harapan ko?
10 Nang magkagayon, sinabi ni Pablo: Nakatayo ako sa harapan ng hukuman ni Cesar na dito ako dapat hatulan. Wala akong ginawang anumang kamalian sa mga Judio, iyan ay alam ninyo. 11 Ito ay sapagkat kung nakagawa ako ng anumang kamalian at anumang bagay na nararapat sa kamatayan, hindi ako umiiwas na mamatay. Ngunit kung walang katotohanan ang mga bagay na ipinaparatang nila sa akin, walang may kapangyarihang maibigay ako sa kanila. Ako ay aapela kay Cesar.
12 Nang magkagayon, si Festo, nang nakapagsangguni na sa mga tagapayo ay sumagot: Umapela ka kay Cesar, kaya kay Cesar ka pupunta.
Copyright © 1998 by Bibles International