Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Panalangin ng mga Mananampalataya
23 Nang sila ay pinalaya, pumunta sila sa mga kasamahan nila at kanilang iniulat ang lahat ng sinabi sa kanila ng mga pinunong-saserdote at ng mga matanda.
24 Nang marinig nila iyon, nagkaisa silang tumawag nang malakas sa Diyos at kanilang sinabi: Ikaw na May-ari ng lahat, ikaw ang Diyos na gumawa ng langit at lupa at ng dagat at ng lahat ng mga naroroon. 25 Sa pamamagitan ng bibig ng iyong lingkod na si David ay sinabi mo:
Bakit sumisigaw sa poot ang mga bansa. Bakit nag-iisip ang mga tao ng mga bagay na walang kabuluhan?
26 Ang mga hari ng lupa ay tumayo at ang mga pinuno ay nagtipun-tipon laban sa Panginoon at laban sa kaniyang Mesiyas.
27 Ito ay sapagkat totoong nagtipun-tipon sina Herodes at Pontio Pilato, kasama ang mga Gentil at ang mga tao sa Israel. Ito ay upang labanan ang iyong Banal na Anak na si Jesus na iyong Mesiyas. 28 Nagtipun-tipon sila upang kanilang gawin ang itinakda ng iyong mga kamay nang una pa at ng iyong kalooban na dapat mangyari. 29 Ngayon Panginoon, tingnan mo ang kanilang mga pagbabanta. Ipagkaloob mo sa amin na iyong mga alipin, na sa buong katapangan ay makapagsalita kami ng iyong salita. 30 Iunat mo ang iyong mga kamay upang magpagaling at ang mga tanda at mga kamangha-manghang gawa ay mangyari sa pamamagitan ng pangalan ng iyong Banal na Anak na si Jesus.
31 Nang sila ay makapanalangin na, ang dakong pinagtitipunan nila ay nauga at sila ay napuspos ng Banal na Espiritu at sinalita nilang may katapangan ang salita ng Diyos.
Copyright © 1998 by Bibles International