Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Si Pablo sa Efeso
19 Nangyari, na samantalang si Apollos ay nasa Corinto, tinahak ni Pablo ang daan sa hilaga at dumating sa Efeso. Nakasumpong siya roon ng ilang alagad.
2 Sinabi niya sa kanila: Tinanggap ba ninyo ang Banal na Espiritu nang sumampalataya kayo?
Sinabi nila sa kaniya: Hindi man lang namin narinig na may Banal na Espiritu.
3 Sinabi niya: Kung gayon, anong bawtismo ang tinanggap ninyo?
Sinabi nila: Ang bawtismo ni Juan.
4 Sinabi ni Pablo: Nagbawtismo nga si Juan ng bawtismo ng pagsisisi. Sinabi niya sa mga tao na sila ay dapat sumampalataya sa kaniya na darating sa hulihan niya, samakatuwid ay si Jesus na siyang Mesiyas. 5 Nang ito ay marinig ng mga taga-Efeso, sila ay nabawtismuhan sa pangalan ng Panginoong Jesus. 6 Nang ipinatong ni Pablo ang kaniyang mga kamay sa kanila, bumaba sa kanila ang Banal na Espiritu. Sila ay nagsalita ng mga wika at naghayag ng salita ng Diyos. 7 Ang bilang ng mga lalaki ay humigit kumulang sa labindalawa.
4 Si Juan ay dumating na nagbabawtismo sa ilang. Ipinapangaral niya ang bawtismo ng pagsisisi para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. 5 Pumunta sa kaniya ang lahat ng mga taga-Judea at lahat ng mga taga-Jerusalem. Inihahayag nila ang kanilang mga kasalanan, at lahat sila ay binawtismuhan ni Juan sa ilog ng Jordan. 6 Ang damit ni Juan ay yari sa balahibo ng kamelyo, at sa baywang niya ay may pamigkis na katad. Balang at pulut-pukyutan ang kaniyang kinakain. 7 Kaniyang ipinapangaral ang ganito: Ang sumusunod sa hulihan ko ay higit na makapangyarihan kaysa sa akin. Hindi ako karapat-dapat yumukod at magkalag ng tali ng kaniyang mga panyapak. 8 Binabawtismuhan ko kayo sa tubig, ngunit babawtismuhan niya kayo sa Banal na Espiritu.
Binawtismuhan ni Juan si Jesus
9 Pagkatapos noon ay dumating si Jesus mula sa Nazaretng Galilea at binawtismuhan siya ni Juan sa ilog ng Jordan.
10 Pagkaahon ni Jesus sa tubig ay nakita niyang nabuksan ang kalangitan. Ang Espiritu na katulad ng kalapati ay bumababa sa kaniya. 11 Isang tinig na nagmula sa langit ang nagsabi: Ikaw ang pinakamamahal kong Anak, lubos kitang kinalulugdan.
Copyright © 1998 by Bibles International