Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
15 Makikita nga ninyo ang kasuklam-suklam na paninira na sinabi ni Daniel, ang propeta na nakatayo sa banal na dako. Siya na bumabasa, unawain niya. 16 Kapag mangyari ang mga bagay na ito, sila na nasa Judea ay tatakas sa mga bundok. 17 Siya na nasa bubungan ay huwag nang bababa upang kumuha ng anuman sa kaniyang bahay. 18 Siya na nasa bukid ay huwag nang babalik upang kumuha ng kaniyang mga damit. 19 Ngunit sa aba ng mga nagdadalang-tao at doon sa mga nagpapasuso sa mga araw na iyon. 20 Manalangin kayo na ang inyong pagtakas ay huwag mangyari sa taglamig o sa araw ng Sabat. 21 Ito ay sapagkat magkakaroon ng malaking kahirapan na hindi pa nangyayari mula pa ng simula ng sanlibutan hanggang sa ngayon. At wala ng mangyayaring katulad nito kailanman. 22 Malibang bawasan ang mga araw na iyon, walang taong maliligtas. Ngunit alang-alang sa mga hinirang, babawasan ang mga araw na iyon.
Ang Pagdating ng Anak ng Tao
23 Kung ang sinuman ay magsabi sa iyo: Narito, tingnan mo ang Mesiyas, o naroon, huwag mo siyang paniwalaan.
24 Ito ay sapagkat may lilitaw na mga bulaang Mesiyasat mga bulaang propeta. Magpapakita sila ng mga dakilang tanda at mga kamangha-manghang gawa upang iligaw, kung maaari, kahit ang mga hinirang. 25 Narito, ipinagpauna ko na itong sabihin sa inyo.
26 Kung sasabihin nga nila sa inyo: Narito, siya ay nasa ilang, huwag kayong pupunta. Kung sasabihin nila: Siya ay nasa silid, huwag ninyo itong paniwalaan. 27 Ito ay sapagkat kung papaanong ang kidlat ay nagmumula sa silangan at nakikita hanggang sa kanluran, gayundin ang pagdating ng Anak ng Tao. 28 Ito ay sapagkat kung nasaan ang bangkay, doon nagtitipon ang mga buwitre.
29 Pagkatapos ng mga paghihirap sa mga araw na iyon,
kaagad ang araw ay magdidilim. Ang buwan ay hindi magbibigay ng kaniyang liwanag, at ang mga bituin ay babagsak mula sa langit. Ang mga kapangyarihan ng mga langit ay mayayanig.
30 Pagkatapos ay makikita ang mga tanda ng Anak ng Tao sa langit. Pagkatapos ay mananaghoy ang lahat ng mga lipi ng lupa. Makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating sa mga ulap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian. 31 Susuguin niya ang kaniyang mga anghel na may malakas na tunog ng trumpeta. Kanilang titipunin ang kaniyang mga hinirang mula sa apat na mga hangin, mula sa mga hangganan ng mga langit hanggang sa mga kabilang hangganan.
Copyright © 1998 by Bibles International