Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Si Jesus ang Tinapay ng Buhay
25 Natagpuan nila siya sa kabilang dako ng lawa. Pagkakita nila, tinanong nila siya: Guro, kailan ka pumunta rito?
26 Sumagot si Jesus sa kanila at sinabi: Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Hinanap ninyo ako hindi sa dahilang nakita ninyo ang mga tanda. Ang dahilan ay nakakain kayo ng mga tinapay na sebada at nasiyahan. 27 Huwag kayong gumawa para sa pagkaing nasisira kundi gumawa kayo para sa pagkaing mananatili sa walang hanggang buhay. Ito ay ang ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao sapagkat siya ang tinatakan ng Diyos Ama.
28 Sinabi nga nila sa kaniya: Ano ang gagawin namin upang aming magawa ang mga gawaing mula sa Diyos?
29 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: Ito ang gawain mula sa Diyos, na kayo ay sumampalataya sa kaniya na isinugo ng Ama.
30 Sinabi nga nila sa kaniya: Ano ngayon ang tandang gagawin mo upang makita namin at sumampalataya kami sa iyo? Ano ang gagawin mo? 31 Ang mga ninuno namin ay kumain ng mana sa ilang. Katulad ng nasusulat: Binigyan niya sila ng tinapay na kakainin na nagmula sa langit.
32 Sinabi nga ni Jesus sa kanila: Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Hindi kayo binigyan ni Moises ng tinapay mula sa langit. Ang aking Ama ang nagbibigay sa inyo ng tunay na tinapay mula sa langit. 33 Ito ay sapagkat ang tinapay ng Diyos ay siya na bumabang mula sa langit at nagbibigay ng buhay sa sanlibutan.
34 Kanila ngang sinabi sa kaniya: Panginoon, bigyan mo kami ng tinapay na ito.
35 Sinabi ni Jesus sa kanila: Ako ang tinapay ng buhay. Siya na lumalapit sa akin ay hindi na magugutom kailanman. Siya na sumasampalataya sa akin ay hindi na mauuhaw kailanman.
Copyright © 1998 by Bibles International