Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Pagtulad sa Pagpapakababa ni Cristo
2 Yamang mayroon kayong kalakasan ng loob kay Cristo, mayroon kayong kaaliwan sa kaniyang pag-ibig, mayroon kayong pakikipag-isa sa kaniyang Espiritu, mayroon kayong pagmamalasakit at kaawaan.
2 Lubusin nga ninyo angaking kagalakan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng iisang kaisipan, ng iisang pag-ibig, ng iisang kalooban at ngiisang pag-iisip. 3 Huwag kayong gumawa ng anumang bagay dahil sa makasariling hangarin o pagpapalalo. Sa halip, sa kapakumbabaan ng pag-iisip, ituring ninyo na ang iba ay higit na mabuti kaysa sa inyo. 4 Huwag hanapin ng isa’t isa ang ikabubuti ng kaniyang sarili lang kundi ang ikabubuti rin naman ng iba.
5 Ito ay sapagkat kailangang taglayin ninyo ang kaisipan na na kay Cristo Jesus din naman. 6 Bagaman siya ay nasa anyong Diyos, hindi niya itinuring na kailangang pakahawakan ang kaniyang pagiging kapantay ng Diyos. 7 Bagkus ginawa niyang walang kabuluhan ang kaniyang sarili at tinanggap niya ang anyo ng isang alipin at nakitulad sa tao. 8 Yamang siya ay nasumpungan sa anyong tao, siya ay nagpakumbaba at naging masunurin hanggang sa kamatayan, maging sa kamatayan sa krus. 9 Kaya nga, siya naman ay lubhang itinaas ng Diyos at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan. 10 Ito ay upang sa pangalan ni Jesus ay luluhod ang bawat tuhod ng mga nasa langit, ng mga nasa lupa at ng mga nasa ilalim ng lupa. 11 Ito ay upang ipahayag ng bawat dila na si Jesucristo ang Panginoon, sa ikaluluwalhati ng Diyos Ama.
Magningning Tulad ng mga Bituin
12 Kaya nga, mga minamahal ko, gamitin ninyo ang inyong kaligtasan na may takot at panginginig, tulad ng palagi ninyong pagsunod, hindi lamang kung ako ay kasama ninyo kundi lalo na ngayong wala ako sa inyo.
13 Ang dahilan nito ay gumagawa sa inyo ang Diyos upang naisin at gawin ninyo ang kaniyang mabuting kaluguran.
Tinanong si Jesus Patungkol sa Kaniyang Kapangyarihan
23 Pagpasok niya sa templo, nilapitan siya ng mga pinunong-saserdote at ng mga matanda ng bayan habang siya ay nagtuturo. Sinabi nila sa kaniya: Sa anong kapamahalaan ginagawa mo ang mga bagay na ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng kapamahalaang ito?
24 Sumagot si Jesus sa kanila: Isang bagay lang ang itatanong ko sa inyo. Kung masasagot ninyo ako ay sasabihin ko rin sa inyo kung sa anong kapamahalaan mayroon ako upang gawin ang mga bagay na ito. 25 Saan nanggaling ang bawtismo ni Juan, ito ba ay mula sa langit o mula sa mga tao?
Sila ay nangatwiranan sa isa’t isa na sinasabi: Kapag sabihin nating mula sa langit, sasabihin niya sa atin: Kung gayon bakit hindi ninyo siya pinaniwalaan?
26 Ngunit kung sabihin nating mula sa mga tao, dapat tayong matakot sa mga tao sapagkat kinikilala ng lahat na si Juan ay isang propeta.
27 Sinagot nila si Jesus: Hindi namin alam.
Sinabi niya sa kanila:Kung gayon, hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sa anong kapamahalaan ko ginagawa ang mga bagay na ito.
Ang Talinghaga Patungkol sa Dalawang Anak
28 Ngunit ano sa palagay ninyo? May isang tao na may dalawang anak na lalaki. Lumapit siya sa una at sinabi: Anak, pumunta ka ngayon sa ubasan at gumawa ka roon.
29 Sumagot siya: Ayaw ko. Ngunit nagsisi siya at pumunta rin pagkatapos.
30 Lumapit siya sa pangalawang anak at gayundin ang sinabi. Sumagot siya: Pupunta ako. Ngunit hindi siya pumunta.
31 Sino sa kanilang dalawa ang gumanap ng kalooban ng ama?
Sinabi nila sa kaniya: Ang una.
Sinabi ni Jesus sa kanila: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Ang mga maniningil ng buwis at mga patutot ay mauuna sa inyo sa pagpasok sa paghahari ng Diyos.
32 Ito ay sapagkat dumating sa inyo si Juan sa daan ng katuwiran at hindi ninyo siya pinaniwalaan. Ngunit pinaniwalaan siya ng mga maniningil ng buwis at ng mga patutot. Samantalang kayo, nakita ninyo ito ngunit hindi pa rin kayo nagsisi at naniwala sa kaniya.
Copyright © 1998 by Bibles International