Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Roma 8:26-39

26 Sa gayong paraan, ang Espiritu rin ay kasamang tumutulong sa ating mga kahinaan sapagkat hindi natin alam kung ano ang kinakailangan nating ipanalangin. Subalit ang Espiritu mismo ang siyang namamagitan para sa atin na may pagdaing na hindi kayang ipahayag ng salita. 27 Siya na sumusuri sa mga puso ang siyang nakakaalam ng kaisipan ng Espiritu sapagkat ang Espiritu ay namamagitan para sa mga banal ayon sa kalooban ng Diyos.

Higit pa sa Mananakop

28 Alam natin na ang lahat ng mga bagay ay magkakalakip-lakip na gumagawa para sa kabutihan nila na mga umiibig sa Diyos, sa kanila na mga tinawag ng Diyos ayon sa kaniyang layunin.

29 Ito ay sapagkat ang mga kilala na ng Diyos nang una pa ay itinalaga rin niya nang una pa na magingkawangis ng kaniyang Anak, upang siya ay maging panganay sa maraming kapatiran. 30 At sila na itinalaga niya nang una pa ay tinawag din niya. Sila na tinawag niya ay pinaging-matuwid din niya at sila na pinaging-matuwid niya ay niluwalhati din niya.

31 Ano nga ang sasabihin natin sa mga bagay na ito? Yamang ang Diyos ay kakampi natin, sino ang tatayong laban sa atin? 32 Hindi niya ipinagkait ang sarili niyang Anak, kundi ipinagkaloob niya siya para sa ating lahat. Papaano ngang hindi niya ipagkaloob nang walang bayad sa atin ang lahat ng mga bagay? 33 Sino ang magsasakdal laban sa pinili ng Diyos?Ang Diyos na siyang nagpapaging-matuwid. 34 Sino ang magbibigay hatol? Si Cristo nga na namatay, ngunit higit dito, siya ay bumangong muli na ngayon ay nasa dakong kanan ng Diyos at namamagitan para sa atin. 35 Sino ang maghihiwalay sa atin mula sa pag-ibig ni Cristo? Ang paghihirap ba, o kagipitan, o pag-uusig, o kagutuman, o kahubaran, o panganib o tabak? 36 Ayon sa nasusulat:

Alang-alang sa inyo, pinapatay nila kami buong araw. Itinuturing kaming mga tupang kakatayin.

37 Subalit sa lahat ng mga bagay na ito, tayo ay higit pa sa mga mapagtagumpay sa pamamagitan niya na umiibig sa atin. 38 Ito ay sapagkat nakakatiyak ako na walang makakapaghi­walay sa atin mula sa pag-ibig ng Diyos. Hindi ang kamatayan, o buhay, o mga anghel, o mga pamunuan, o mga kapang­yarihan, o mga bagay sa kasalukuyan o mga bagay na darating. 39 Hindi ang matataas na bagay, o mga kalaliman o kahit anumang bagay na nilikha. Walang anumang makakapaghi­walay sa atin mula sa pag-ibig ng Diyos na na kay Cristo Jesus na ating Panginoon.

Mateo 13:31-33

Ang Talinghaga Ukol sa Binhi ng Mustasa

31 Isinalaysay niya sa kanila ang isa pang talinghaga na sinasabi: Ang paghahari ng langit ay katulad ng isang buto ng mustasa. Kinuha ito ng isang lalaki at inihasik sa kaniyang bukirin.

32 Pinakamaliit ito sa lahat ng mga binhi. Ngunit nang lumaki na, ito ang pinakamalaki sa mga gulay at naging isang punong-kahoy. Dumating dito ang mga ibon sa himpapawid at namugad sa kaniyang mga sanga.

Ang Talinghaga Patungkol sa Pampaalsa

33 Isa pang talinghaga ang isinalaysay niya sa kanila:Ang paghahari ng langit ay katulad sa pampaalsa na kinuha ng isang babae. Inihalo niya ito sa tatlong takal na harina hanggang sa mahaluan ang lahat.

Mateo 13:44-52

Ang mga Talinghaga Patungkol sa Natatagong Kayamanan at sa Perlas

44 Ang paghahari ng langit ay katulad ng natatagong kayamanan sa bukid. Natagpuan ito ng isang tao at muli niyang itinago ito. Dahil sa kagalakan, siya ay umuwi at ipinagbili ang lahat niyang tinatangkilik at binili ang bukid na iyon.

45 Gayundin naman, ang paghahari ng langit ay katulad ng isang mangangalakal na naghahanap ng magagandang perlas. 46 Nang makatagpo siya ng isang mamahaling perlas, umuwi siya. Ipinagbili ang lahat niyang tinatangkilik at binili ang perlas.

Ang Talinghaga Patungkol sa Lambat

47 Ang paghahari ng langit ay katulad din ng isang lambat na inihulog sa dagat at nakahuli ng sari-saring isda.

48 Nang mapuno ito, hinila nila sa pampang. Umupo sila at tinipon ang mabubuting isda sa mga lalagyan. Ngunit ang masasamang isda ay itinapon nila. 49 Gayundin ang mangyayari sa katapusan ng kapanahunang ito. Lalabas ang mga anghel at ihihiwalay ang masasama sa matutuwid. 50 Itatapon nila ang masasama sa nagniningas na apoy.Doon magkakaroon ng pananangis at pagngangalit ng mga ngipin.

51 Sinabi ni Jesus sa kanila: Naunawaan ba ninyo ang lahat ng bagay na ito?

Sinabi nila sa kaniya:Oo, Panginoon.

52 Nang magkagayon, sinabi niya sa kanila: Ito aysapagkat ang bawat guro ng kautusan na naging alagad ng paghahari ng langit ay katulad sa isang lalaking may-ari ng sambahayan na naglabas ng kaniyang mga bago at mga lumang kayamanan.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International