Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
10 Dumating ang mga alagad at sinabi nila sa kaniya: Bakit ka nagsasalita sa kanila sa mga talinghaga?
11 Sumagot siya sa kanila: Ito ay sapagkat ipinagkaloob sa inyo na makaalam ng mga hiwaga ng paghahari ng langit. Ngunit hindi ito ipinagkaloob sa kanila. 12 Ito ay sapagkat ang sinumang mayroon ay bibigyan pa, at magkakaroon ng sagana.Ngunit ang sinumang wala, aalisin pa ang nasa kaniya. 13 Kaya nga, nagsasabi ako sa kanila sa mga talinghaga.
Ito ay sapagkat tumitingin sila at hindi nakakakita. May pinapakinggan sila ngunit hindi sila totoong nakikinig at hindi sila nakakaunawa.
14 Natupad sa kanila ang isinulat ni propeta Isaias na sinasabi:
Sa pamamagitan ng pakikinig ay makakarinig kayo ngunit hindi kayo makakaunawa. Sa pagtingin ay makakakita kayo, ngunit hindi kayo makakatalos.
15 Ito ay sapagkat ang mga puso ng mga taong ito ay matigas na. Nahihirapan nang makinig ang kanilang tainga. Ipinikit na nila ang kanilang mga mata. Kung hindi ay baka makakita pa ang kanilang mga mata at makarinig ang kanilang mga tainga. Baka makaunawa pa ang kanilang mga puso at manumbalik sila, at aking pagagalingin.
16 Pinagpala ang inyong mga mata sapagkat ang mga ito ay nakakakita. Pinagpala ang iyong mga tainga sapagkat ang mga ito ay nakakarinig. 17 Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Maraming propeta at mga taong matuwid ang mahigpit na naghangad na makita ang mga bagay na inyong nakikita, ngunit hindi nila nakita. Hinangad nilang marinig ang mga bagay na inyong naririnig ngunit hindi nila narinig.
Copyright © 1998 by Bibles International