Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Roma 7:15-25

15 Ito ay sapagkat ang ginagawa ko ay hindi ko nauunawaan sapagkat ang hindi ko nais gawin ay siya kong ginagawa. Ang kinapopootan ko ang siya kong ginagawa. 16 Ngunit kung ang hindi ko nais ang siyang ginagawa ko, sumasangayon ako na ang kautusan ay mabuti. 17 Sa ngayon hindi ako ang gumagawa noon kundi ang kasalanan na nananahan sa akin. 18 Ito ay sapagkat alam kong walang nananahang mabuti sa aking makalamang kalikasan sapagkat ang magnais ng mabuti ay nasa akin ngunit hindi ko masumpungan kung papaano ko ito gagawin. 19 Ito ay sapagkat ang mabuti na ninanais kong gawin ay hindi ko nagagawa. Ang kasamaan na hindi ko hinahangad gawin ay siya kong nagagawa. 20 Ngunit kung patuloy kong ginagawa ang hindi ko nais, hindi ako ang gumagawa noon kundi ang kasalanan na nabubuhay sa akin.

21 Nasumpungan ko nga ang isang kautusan sa akin, na kapag nais kong patuloy na gumawa ng mabuti, ang kasamaan ay nasa akin. 22 Ito ay sapagkat sa aking kalooban, ako ay lubos na nalulugod sa kautusan ng Diyos. 23 Ngunit nakakakita ako ng ibang kautusan sa mga bahagi ng katawan ko na nakikipaglaban sa kautusan ng aking isipan. Ginagawa nito akong bilanggo ng kautusan ng kasalanan na nasa mga bahagi ng katawan ko. 24 O, ako ay taong abang-aba. Sino ang magliligtas sa akin sa katawang ito na gumagawa patungong kamatayan? 25 Nagpapasalamat ako saDiyos sa pamamagitan ni Jesucristo na ating Panginoon.

Kaya nga, ako sa aking sarili ay naglilingkod sa kautusan ng Diyos sa aking isipan, ngunit sa aking makalamang kalikasan naglilingkod ako sa kautusan ng kasalanan.

Mateo 11:16-19

16 Ngunit saan ko itutulad ang lahing ito? Ito ay katulad ng mga batang nakaupo sa mga pamilihang dako at tinatawag ang kanilang mga kasama. 17 Sinasabi nila:

Tinugtugan namin kayo ng plawta, ngunit hindi kayo sumayaw. Nagluksa kami ngunit hindi kayo tumangis.

18 Ito ay sapagkat dumating si Juan. Hindi siya kumakain ni umiinom, at sinabi nilang siya ay may demonyo. 19 Dumating ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom. Sinabi nila: Narito ang isang taong matakaw at manginginom ng alak. Isang taong kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan. Ngunit ang karunungan ay pinapaging-matuwid ng kaniyang mga anak.

Mateo 11:25-30

Pasasalamat at Paanyaya ni Jesus

25 Nang sandaling iyon, sinabi ni Jesus: O Ama, Panginoon ng langit at ng lupa, pinasasalamatan kita sapagkat ikinubli mo ang mga bagay na ito sa mga pantas at matatalino. Ngunit inihayag mo ang mga ito sa mga sanggol.

26 Gayon nga Ama, sapagkat ito ang nakakalugod sa iyong paningin.

27 Ibinigay na sa akin ng Ama ang lahat ng mga bagay. Walang sinumang lubos na nakakakilala sa Anak kundi ang Ama. Gayundin, walang sinumang lubos na nakakakilala sa Ama kundi ang Anak, at ang sinumang ibig pagpahayagan ng Anak.

28 Kayong lahat na napapagal at nabibigatang lubha, pumarito kayo sa akin at bibigyan ko kayo ng kapahingahan. 29 Pasanin ninyo ang aking pamatok at mag-aral kayo sa akin sapagkat ako ay maamo at mababang-loob. At masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa. 30 Ito ay sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang aking pasan.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International