Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Roma 6:12-23

12 Huwag nga ninyong paghariin ang kasalanan sa inyong katawang may kamatayanupang sundin ito sa kaniyang mga pagnanasa. 13 Kahit ang mga bahagi ng inyong katawan ay huwag ninyong ipaubayang maging kagamitan ng kalikuan sa kasalanan. Sa halip, ipaubaya ninyo ang inyong mga sarili sa Diyos tulad ng mga nabuhay mula sa mga patay. Ang bahagi ng inyong katawan ay ipaubaya sa Diyos bilang mga kagamitan ng katuwiran. 14 Ang kasalanan ay hindi dapat maghari sa inyo dahil hindi kayo nasa ilalim ng kautusan. Kayo ay nasa ilalim ng biyaya.

Mga Alipin ng Katuwiran

15 Ano na ngayon? Tayo ba ay magpapatuloy sa kasalanan dahil hindi tayo nasa ilalim ng kautusan kundi sa ilalim ng biyaya? Huwag nawang mangyari.

16 Hindi ba ninyo alam na kung kanino ninyo ipinaubaya ang inyong sarili bilang alipin, kayo ay mga alipin niya na inyong sinusunod? Ito man ay sa kasalanan patungong kamatayan o sa pagsunod patungong katuwiran. 17 Kayo ay mga dating alipin ng kasalanan. Ngunit salamat sa Diyos, dahil mula sa puso ay sinunod ninyo ang katuruang ibinigay sa inyo. 18 Sa inyong paglaya mula sa kasalanan kayo ay naging mga alipin ng katuwiran.

19 Dahil sa kahinaan ng inyong katawan ako ay nagsasalita bilang tao sapagkat ipinaubaya ninyo ang mga bahagi ng inyong mga katawan na mapaalipin sa karumihan at walang pagkakilala sa kautusan patungo sa walang pagkakilala sa kautusan ng Diyos. Sa gayunding paraan ipaubaya ninyo ngayon ang mga bahagi ng inyong katawan na mga alipin ng katuwiran patungo sa kabanalan. 20 Nang kayo ay mga alipin pa ng kasalanan, malaya kayo sa katuwiran. 21 Anong bunga nga ang nakuha ninyo sa mga bagay na ikinakahiya ninyo ngayon? Ito ay sapagkat ang wakas ng mga bagay na iyon ay kamatayan. 22 Ngunit ngayong nakalaya na kayo mula sa kasalanan at naging mga alipin ng Diyos, nagkabunga kayo na patungo sa kabanalan. Ang wakas nito ay walang hanggang buhay. 23 Ito ay sapagkat ang kabayaran nga ng kasalanan ay kamatayan ngunit ang walang bayad na kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na ating Panginoon.

Mateo 10:40-42

40 Siya na tumatanggap sa inyo ay tumatanggap sa akin, at siya na tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. 41 Siya na tumatanggap sa isang propeta dahil sa pangalan ng isang propeta ay tatanggap ng gantimpalang ukol sa propeta. Siya na tumatanggap sa isang taong matuwid ay tatanggap ng gantimpalang ukol sa taong matuwid. 42 Ang sinumang magbigay ng maiinom sa isa sa mga maliliit na ito kahit isang basong malamig na tubig dahil sa pangalan ng isang alagad, sinasabi ko sa inyo ang totoo: Hindi siya mawawalan ng gantimpala.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International