Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Patay sa Kasalanan, Buhay kay Cristo
6 Ano ngayon ang sasabihin natin? Magpapatuloy ba tayo sa kasalanan upang ang biyaya ay sumagana.
2 Huwag nawang mangyari. Papaano nga na tayong mga namatay sa kasalanan ay patuloy na mamumuhay pa roon? 3 Hindi ba ninyo nalalaman na tayong mga nabawtismuhan kay Cristo Jesus ay nabawtismuhan sa kaniyang kamatayan? 4 Kaya nga, tayo ay inilibing na kasama niya sa pamamagitan ng bawtismo sa kamatayan. Sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng Ama, si Cristo ay ibinangon mula sa mga patay. Sa gayunding paraan dapat tayong lumakad sa panibagong buhay.
5 Ito ay sapagkat yamang tayo ay nakasama sa wangis ng kaniyang kamatayan, magiging gayundin tayo sa kaniyang pagkabuhay muli. 6 Nalalaman natin na ang ating dating pagkatao ay kasama niyang napako sa krus upang mapawalang-bisa ang katawan ngkasalanan. Dahil diyan hindi na tayo magiging alipin ng kasalanan. 7 Ito ay sapagkat siya na namatay ay pinalaya na mula sa kasalanan.
8 Kaya nga, yamang tayo ay kasamang namatay ni Cristo, tayo ay sumasampalatayang mabubuhay na kasama niya. 9 Alam nating sa pagkabuhay ni Jesucristo mula sa mga patay ay hindi na siya mamamatay. Ang kamatayan ay hindi na maghahari sa kaniya. 10 Ito ay sapagkat sa kaniyang kamatayan namatay siya sa kasalanan nang minsan lang. At sa kaniyangpagkabuhay, nabuhay siya sa Diyos.
11 Ituring din nga ninyo ang inyong mga sarili na patay sa kasalanan ngunit buhay sa Diyos sa pamamagitan ni Cristo na ating Panginoon.
24 Ang alagad ay hindi nakakahigit sa kaniyang guro at ang alipin ay hindi nakakahigit sa kaniyang panginoon. 25 Sapat na sa alagad na matulad sa kaniyang guro at ang alipin ay matulad sa kaniyang panginoon. Kung tinatawag nila ang may-ari ng sambahayan na Beelzebub, gaano pa kaya na kanilang sasabihin iyon sa mga kabahagi ng sambahayan.
26 Huwag nga kayong matakot sa kanila sapagkat walang anumang natatakpan na hindi mahahayag, at walang anumang natatago na hindi malalaman. 27 Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim ay sabihin ninyo sa liwanag. Ang narinig ninyo nang pabulong ay ipahayag ninyo mula sa mga bubungan ng bahay. 28 Huwag kayong matakot sa mga pumapatay sa katawan ngunit hindi makakapatay sa kaluluwa. Sa halip, matakot kayo sa kaniya na makakapatay kapwa ng kaluluwa at ng katawan sa impiyerno. 29 Hindi ba ipinagbibili ang dalawang maya ng isang sentimo? Gayunman, kahit isa sa kanila ay hindi mahuhulog sa lupa kung hindi pahihintulutan ng iyong Ama. 30 Maging ang mga buhok ninyo sa inyong mga ulo ay bilang niya ang lahat. 31 Kaya nga, huwag kayong matakot sapagkat higit kayong mahalaga kaysa sa maraming maya.
32 Kaya nga, ang sinumang maghahayag sa akin sa harap ng mga tao ay ihahayag ko rin sa harap ng aking Ama na nasa langit. 33 Ngunit ang sinumang magkakaila sa akin sa harap ng mga tao ay ikakaila ko rin sa harap ng aking Ama na nasa langit.
34 Huwag ninyong isiping naparito ako upang magdalang kapayapaan sa lupa. Hindi ako naparito upang magdalang kapayapaan kundi ng tabak. 35 Naparito ako upang paghimagsikin
ang isang tao laban sa kaniyang ama. Papaghimagsikin ko ang anak na babae laban sa kaniyang ina, at ang manugang na babae laban sa kaniyang biyenang babae.
36 Ang kaaway ng isang tao ay ang kaniyang sariling kasambahay.
37 Ang umiibig sa kaniyang ama o ina ng higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang sinumamg umiibig sa kaniyang anak na lalaki, o anak na babae nang higit sa akinay hindi karapat-dapat sa akin. 38 Ang sinumang hindi nagpapasan ng kaniyang krus at sumusunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. 39 Ang sinumang makakasumpong ng kaniyang buhay ay mawawalan nito. Ang sinumang mawawalan ng kaniyang buhay dahil sa akin ay makakasumpung nito.
Copyright © 1998 by Bibles International