Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Tinawag ni Jesus ang Labindalawang Alagad
12 Nangyari, noong mga araw na iyon, siya ay pumunta sa bundok upang manalangin. Nanalangin siya sa Diyos sa buong magdamag.
13 Nang mag-uumaga na, tinawag niya ang kaniyang mga alagad. Mula sa kanila ay pumili siya ng labindalawa na tinawag din niyang mga apostol. 14 Ang mga ito ay sina Simeon, na tinagurian din niyang Pedro, at si Andres na kaniyang kapatid.Ang iba ay sina Santiago at Juan, Felipe at Bartolome. 15 Kasama rin si Mateo, si Tomas, si Santiago, na anak ni Alfeo, at si Simon na tinatawag na Makabayan. 16 Kasama rin si Judas na kapatid ni Santiago at si Judas na taga-Keriot, na siyang naging taksil.
17 Si Jesus ay bumabang kasama nila at tumayo sa isang patag na dako. Pumunta roon ang karamihan ng kaniyang mga alagad at mga tao na lubhang marami. Ang mga tao ay nanggaling sa buong Judea at Jerusalem at sa baybaying dagat ng Tiro at Sidon. Sila ay pumunta roon upang makinig sa kaniya at mapagaling ang kanilang mga sakit. 18 Ang mga ginugulo ng mga karumal-dumal na espiritu ay dumating din at sila rin ay pinagaling. 19 Hinangad ng lahat ng mga tao na mahipo siya sapagkat may kapangyarihang lumalabas sa kaniya na nagpapagaling sa kanilang lahat.
Copyright © 1998 by Bibles International