Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Kapayapaan at Kagalakan
5 Kaya nga, yamang tayo ay pinaging-matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya, mayroon tayong kapayapaan sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo.
2 Sa pamamagitan din niya tayo ay nagkaroon ng daan patungo sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya. Sa biyayang ito tayo ay naninindigan at nagmamalaki sa pag-asa ng kaluwalhatian ng Diyos. 3 Hindi lang ito, kundi sa paghihirap ay nagmamalaki rin tayo dahil alam nating ang paghihirap ay nagbubunga ng pagtitiis. 4 Ang pagtitiis ay nagbubunga ng magandang ugali at ang magandang ugali ay nagbubunga ng pag-asa. 5 Hindi tayo pinapahiya ng pag-asa sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na ipinagkaloob sa atin.
6 Ito ay sapagkat nang tayo ay mahina pa si Jesus ay namatay sa takdang panahon para sa mga hindi kumikilala sa Diyos. 7 Hindi pangkaraniwan na ang isang tao ay mamatay para sa isang matuwid na tao. Maaaring alang-alang sa isang mabuting tao, ang isang tao ang maglakas-loob na mamatay. 8 Ngunit ipinakita ng Diyos ang kaniyang pag-ibig sa atin na nang tayo ay makasalanan pa, si Cristo ay namatay para sa atin.
Kakaunti ang mga Manggagawa
35 Nilibot ni Jesus ang lahat ng lungsod at nayon. Siya ay nagtuturo sa kanilang mga sinagoga at nangangaral ng ebanghelyo ng paghahari. Siya ay nagpagaling ng lahat ng uri ng mga sakit at karamdaman.
36 Nang makita niya ang napakaraming tao, nahabag siya sa kanila sapagkat nanlulupaypay sila at nangalat katulad ng mga tupang walang pastol. 37 Nang magkagayon, sinabi niya sa kaniyang mga alagad: Totoong marami ang aanihin ngunit kakaunti ang manggagawa. 38 Idalangin nga ninyo sa Panginoon ng anihan na magpadala siya ng mga manggagawa sa kaniyang anihan.
Sinugo ni Jesus ang Labindalawang Alagad
10 Tinawag niya at pinalapit ang kaniyang labindalawang alagad. Pagkatapos, binigyan niya sila ng kapamahalaan upang magpalabas ng mga karumal-dumal na espiritu. Binigyan din niya sila ng kapamahalaang magpagaling ng lahat ng uri ng sakit at lahat ng uri ng karamdaman.
2 Ito ang mga pangalan ng labindalawang apostol: Ang una ay si Simon na tinatawag na Pedro at ang kaniyang kapatid na si Andres. Si Santiago na anak ni Zebedeo at ang kaniyang kapatid na si Juan. 3 Sina Felipe, Bartolome at Tomas, at si Mateo na maniningil ng buwis. Si Santiago na anak ni Alfeoat si Leveo na tinatawag na Tadeo. 4 Si Simon na kabilangsa Makabayan at si Judas na taga-Keriot, na nagkanulo sa kaniya.
5 Ang labindalawang ito ay sinugo ni Jesus. Sila ay inutusan niya na sinasabi: Huwag kayong pupunta sa daan ng mga Gentil at huwag kayong papasok sa alin mang lungsod ng mga taga-Samaria. 6 Sa halip, pumunta kayo sa nawawalang tupa sa sambahayan ni Israel. 7 Sa inyong paghayo, ito ang inyong ipangangaral: Ang paghahari ng langit ay nalalapit na. 8 At pagalingin ninyo ang mga maysakit at linisin ninyo ang mga ketongin. Buhayin ninyo ang mga patay at magpalayas kayo ng mga demonyo. Ang tinanggap ninyo nang walang bayad, ibigay ninyo nang walang bayad.
9 Huwag kayong magbaon ng ginto, o pilak o tanso man sa inyong mga pamigkis. 10 Huwag kayong magbaon ng bayong sa inyong paglalakbay, o ng dalawang balabal, o panyapak o ng tungkod man sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat sa kaniyang pagkain.
11 Kapag pumasok kayo sa anumang lungsod o bayan, alamin ninyo kung sino ang karapat-dapat doon. Tumuloy kayo sa kanila hanggang sa inyong pag-alis. 12 Pagpasok ninyo sa isang bahay, bumati kayo sa kanila. 13 Kung ang bahay ay karapat-dapat, sumakanila nawa ang inyong kapayapaan. Ngunit kung ito ay hindi karapat-dapat, bumalik nawa sa inyo ang inyong kapayapaan. 14 Ang sinumang hindi tumanggap sa inyo, ni makinig sa inyong mga salita, lumabas kayo sa bahay, o lungsod na iyon. Paglabas ninyo, pagpagin ninyo ang alikabok sa inyong mga paa. 15 Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Sa araw ng paghatol ay higit na magaan ang parusa sa lupain ng Sodoma at Gomora kaysa sa lungsod na iyon. 16 Narito, sinusugo ko kayong katulad ng mga tupa sa gitna ng mga lobo. Kaya nga, magpakatalino kayong katulad ng mga ahas at maging maamong katulad ng mga kalapati.
17 Mag-ingat kayo sa mga tao sapagkat ibibigay nila kayo sa mga sanggunian. Hahagupitin nila kayo sa kanilang mga sinagoga. 18 Dadalhin kayo sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa akin. Ihaharap kayo sa kanila upang magbigay ng patotoo laban sa kanila at sa mga Gentil. 19 Ngunit kapag ibinigay nila kayo, huwag kayong mag-alala kung papaano o ano ang inyong sasabihin sapagkat sa oras ding iyon ay ipagkakaloob sa inyo kung ano ang inyong sasabihin. 20 Ito ay sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.
21 Ipapapatay ng kapatid ang kaniyang kapatid at ng ama ang kaniyang anak. Ang mga anak ay maghihimagsik laban sa kanilang mga magulang at ipapapatay sila. 22 Kapopootan kayo ng lahat ng mga tao dahil sa aking pangalan. Ngunit ang magtiis hanggang sa wakas ang siyang maliligtas. 23 Ngunit kapag inuusig nila kayo sa lungsod na ito, tumakas kayo patungo sa iba sapagkat katotohanang sinasabi ko sa inyo: Hindi pa ninyo natatapos libutin ang mga lungsod ng Israel, darating na ang Anak ng Tao.
Copyright © 1998 by Bibles International