Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Gawa 17:22-31

22 Kaya si Pablo ay tumayo sa gitna ng burol ng Areo at nagsabi: Mga lalaking taga-Atenas, napapansin kong sa lahat ng mga bagay ay lubha kayong tapat sa inyong relihiyon. 23 Ito ay sapagkat sa aking paglalakad at pagmamasid sa mga bagay na inyong sinasamba ay nakakita ako ng isang dambana. Doon ay may nakaukit na ganito: SA ISANG DIYOS NA HINDI KILALA. Siya na inyong sinasamba bagaman hindi ninyo nakikilala, siya ang aking ipinangangaral sa inyo.

24 Ang Diyos na lumikha ng sanlibutan at ng lahat na narito ay ang Panginoon ng langit at lupa. Hindi siya tumitira sa mga banal na dako na ginawa ng mga kamay. 25 Hindi rin naman siya pinaglilingkuran ng mga kamay ng mga tao na para bang nangangailangan siya ng anumang bagay. Hindi, siya mismo ang nagbibigay sa lahat ng buhay at ng hininga at ng lahat ng mga bagay. 26 Ginawa niya mula sa isang dugo ang bawat bansa ng mga tao upang manahan sa ibabaw ng buong lupa. Itinakda na niya nang una pa ang mga kapana­hunan at ang mga hangganan ng kanilang pananahanan. 27 Ginawa niya ito upang hanapin nila ang Pangi­noon at sa kanilang pag-aapuhap ay baka sakaling masumpungan nila siya. Gayunman siya ay hindi malayo sa bawat isa sa atin. 28 Ito ay sapagkat sa pamamagitan niya tayo ay nabubuhay, kumikilos at mayroong pagkatao. Gaya naman ng sinabi ng ilan sa inyong sariling makata: Dahil tayo rin naman ay kaniyang mga anak.

29 Yamang tayo nga ay mga anak ng Diyos, hindi marapat na isipin natin na ang kaniyang pagka-Diyos ay tulad ng ginto, pilak o ng bato na inukit sa pamamagitan ng kalinangan at kathang-isip ng tao. 30 Ang mga panahon ng di-pagkaalam ay hindi na nga pinansin ng Diyos. Ngunit ngayon ay iniuutos niya sa sa lahat mga tao sa bawat dako na magsisi. 31 Ito ay sapagkat nagtakda siya ng isang araw na hahatulan niya ang sanlibutan ayon sa katuwiran sa pamamagitan ng lalaking itinalaga niya. Pinatunayan niya ito sa lahat ng mga tao nang siya ay kaniyang buhayin mula sa mga patay.

1 Pedro 3:13-22

13 Kapag ang sinusunod ninyo ay ang mabuti, sino ang mananakit sa inyo? 14 At kung uusigin kayo sa paggawa ng mabuti, pinagpala pa rin kayo. Huwag kayong matakot sa kanilang pinangangambahan at huwag kayong mabagabag. 15 Ngunit pakabanalin ninyo ang Panginoong Diyos sa inyong mga puso. Humanda kayong lagi na sumagot sa sinumang magtatanong sa inyo patungkol sa inyong pag-asa, na may kaamuan at pagkatakot. 16 Magkaroon kayo ng magandang budhi upang mapahiya ang mga naninirang-puri sa inyo na nagsasabing gumagawa kayo ng masama at tumutuya sa inyong magandang pamumuhay kay Cristo. 17 Ito ay sapagkat kung loloobin ng Diyos, higit na mabuti ang magdusa nang dahil sa paggawa ng kabutihan kaysa paggawa ng kasamaan.

18 Dahil si Cristo man ay minsang nagdusa dahil sa kasalanan. Ang matuwid para sa mga hindi matuwid upang madala niya tayo sa Diyos. Pinatay siya sa laman ngunit binuhay siya sa pamamagitan ng Espiritu. 19 Sa pamamagitan din niya pumunta siya at nangaral sa mga espiritung nakabilanggo. 20 Iyan ang mga espiritung sumuway, na nang minsan ay hinintay ng pagbabata ng Diyos noong panahon ni Noe, samantalang ginagawa ang arka. Ilan tao lamang ang naligtas. Walo lamang ang naligtas sa arka sa pamamagitan ng tubig. 21 Ang tubig na iyon ang larawan ng bawtismo na ngayon ay nagliligtas sa atin. Hindi sa paglilinis ng karumihan ng makasalanang likas kundi ang tugon ng isang malinis na budhi sa Diyos. Ito ay sa pamamagitan ng pagkabuhay muli ni Jesucristo. 22 Siya ay umakyat sa langit at nasa kanan ng Diyos. Ipinasailalim na sa kaniya ng Diyos ang mga anghel, ang mga kapamahalaan at ang mga kapangyarihan.

Juan 14:15-21

Ipinangako ni Jesus na Isusugo ang Banal na Espiritu

15 Kung iniibig ninyo ako, tuparin ninyo ang aking mga utos.

16 Hihiling ako sa Ama at bibigyan niya kayo ng ibang Tagapayo upang siya ay manatili sa inyo magpakailanman. 17 Ang Tagapayong ito ay ang Espiritung Katotohanan. Hindi siya matanggap ng sangkatauhan sapagkat hindi siya nito nakikita o nakikilala man. Kilala ninyo siya sapagkat siya ay nananahang kasama ninyo at sasainyo. 18 Hindi ko kayo iiwanang tulad ng mga mga ulila, ako ay babalik sa inyo. 19 Kaunting panahon na lamang at hindi na ako makikita ng sangkatauhan ngunit nakikita ninyo ako. Dahil ako ay nabubuhay, kayo rin naman ay mabubuhay. 20 Sa araw na iyon ay malalaman ninyo na ako ay nasa Ama. Kayo naman ay sumasa akin at ako ay sumasa inyo. 21 Ang nagtataglay ng aking mga utos at tumutupad nito ay siyang umiibig sa akin. Ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama. Siya ay iibigin ko at ipahahayag ko sa kaniya ang aking sarili.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International