Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Pagsasama-sama ng mga Mananampalataya
42 Sila ay matatag na nagpatuloy sa turo ng mga apostol, sa pagkikipag-isa, sa pagpuputul-putol ng tinapay, at sa mga pananalangin.
43 Nagkaroon ng takot sa bawat kaluluwa. At maraming mga kamangha-manghang gawa at mga tanda ang nangyari sa pamamagitan ng mga apostol. 44 Ang lahat ng mga mananampalataya ay magkakasama at nagbabahaginan sa lahat ng mga bagay. 45 Ipinagbili nila ang kanilang mga pag-aari at mga tinatangkilik at ipinamahagi sa sinumang may pangangailangan. 46 Sila ay matatag na nagpatuloy sa templo araw-araw na nagkakaisa. Sila ay nagpuputul-putol ng tinapay sa kanilang mga bahay at tumatanggap ng pagkain na may kasiyahanat kababaang-loob. 47 Sila ay nagpupuri sa Diyos at kinaluluguran ng lahat ng mga tao. Idinagdag ng Panginoon sa kapulungan araw-araw ang mga naliligtas.
19 Ito ay sapagkat kapuri-puri ang isang taong namimighati at naghihirap kahit walang sala kung ang kaniyang budhi ay umaasa sa Diyos. 20 Maipagmamapuri ba kung kayo ay nagtitiis ng hirap ng pangbubugbog dahil sa paggawa ng kasalanan? Ngunit kung kayo ay nagtitiis ng hirap dahil sa paggawa ng mabuti ito ay kalugud-lugod sa Diyos. 21 Ito ay sapagkat tinawag kayo sa ganitong bagay. Si Cristo man ay naghirap alang-alang sa atin at nag-iwan sa atin ng halimbawa upang kayo ay sumunod sa kaniyang mga hakbang.
22 Hindi siya nagkasala at walang pandarayang namutawi sa kaniyang bibig.
23 Nang alipustain siya, hindi siya nang-alipusta. Nang naghirap siya, hindi siya nagbanta. Sa halip, ang kaniyang sarili ay ipinagkatiwala niya sa kaniya na humahatol nang matuwid. 24 Dinala niya sa kaniyang sariling katawan ang ating mga kasalanan sa ibabaw ng kahoy upang tayo na namatay sa kasalanan ay maging buhay sa katuwiran at dahil sa kaniyang sugat kayo ay gumaling. 25 Ito ay sapagkat kayo ay tulad ng mga tupa na naligaw, ngunit nagbalik na kayo ngayon sa Pastol at Tagapangasiwa ng inyong mga kaluluwa.
Ang Pastol at ang Kaniyang Kawan
10 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Siya na pumapasok na hindi dumadaan sa pinto ng kulungan ng mga tupa ay magnanakaw at tulisan. Siya ay umaakyat sa ibang daan.
2 Ang pumapasok na dumadaan sa pinto ay ang pastol ng mga tupa. 3 Pinagbubuksan siya ng bantay-pinto. Dinirinig ng mga tupa ang kaniyang tinig. Tinatawag niya ang kaniyang sariling mga tupa sa kani-kanilang pangalan. Sila ay inaakay niya sa paglabas. 4 Kapag nailabas na niya ang sarili niyang mga tupa ay nauuna siya sa kanila. Ang mga tupa ay sumusunod sa kaniya sapagkat kilala nila ang kaniyang tinig. 5 Hindi nila susundin kailanman ang isang dayuhan kundi lalayuan nila siya sapagkat hindi nila kilala ang tinig ng mga dayuhan. 6 Ang talinghagang ito ay sinabi ni Jesus sa kanila. Hindi nila naunawaan ang sinabi niya sa kanila.
7 Muli ngang sinabi ni Jesus sa kanila: Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Ako ang pinto ng mga tupa. 8 Ang lahat ng naunang dumating sa akin ay mga magnanakaw at mga tulisan. Subalit hindi sila dininig ng mga tupa. 9 Ako ang pinto. Ang sinumang pumasok sa pamamagitan ko ay maliligtas. Siya ay papasok at lalabas at makakasumpong ng pastulan. 10 Ang magnanakaw ay hindi pumarito malibang siya ay magnakaw, pumatay at maminsala. Ako ay narito upang sila ay magkaroon ng buhay at magkaroon nito na may lubos na kasaganaan.
Copyright © 1998 by Bibles International