Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
11 Ngunit si Maria ay nakatayo sa labas ng libingan na tumatangis. Sa kaniyang pagtangis, siya ay yumuko at tumingin sa loob ng libingan. 12 Nakita niyang nakaupo ang dalawang anghel na nakaputi. Ang isa ay nasa ulunan at ang isa ay nasa paanan ng pinaglagyan ng katawan ni Jesus.
13 Sinabi nila sa kaniya: Babae, bakit ka tumatangis?
Sinabi niya sa kanila: Kinuha nila ang aking Panginoon at hindi ko alam kung saan nila siya inilagay.
14 Pagkasabi niya ng mga ito, siya ay tumalikod at nakita niya si Jesus na nakatayo. Hindi niya alam na iyon ay si Jesus.
15 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Babae, bakit ka tumatangis? Sino ang hinahanap mo?
Inakala niyang siya ang tagapag-alaga ng halamanan. Kaya sinabi niya sa kaniya: Ginoo, kung kinuha mo siya rito, sabihin mo sa akin kung saan mo siya inilagay. Kukunin ko siya.
16 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Maria.
Humarap siya at sinabi sa kaniya: Raboni! Ang ibig sabihin nito ay guro.
17 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Huwag mo akong hawakan sapagkat hindi pa ako nakakaakyat sa aking Ama. Pumunta ka sa mga kapatid ko. Sabihin mo sa kanila na ako ay papaitaas sa aking Ama at inyong Ama, sa aking Diyos at inyong Diyos.
18 Si Maria na taga-Magdala ay pumunta sa mga alagad. Sinabi niya sa kanila na nakita niya ang Panginoon. At ang mga bagay na ito ay sinabi ni Jesus sa kaniya.
Nagpakita si Jesus sa Kaniyang mga Alagad
19 Kinagabihan ng araw ding iyon, na unang araw ng sanlinggo,nagtipon ang mga alagad. Ipininid nila ang mga pinto dahil sa takot nila sa mga Judio at dumating si Jesus at tumayo sa kanilang kalagitnaan. Sinabi sa kanila: Kapayapaan ang sumainyo.
20 Pagkasabi niya nito, ipinakita niya sa kanila ang kaniyang mga kamay at kaniyang tagiliran. Kaya nga, nagalak ang mga alagad nang makita nila ang Panginoon.
Copyright © 1998 by Bibles International