Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Muling Nabuhay si Jesus
28 Sa pagtatapos ng Sabat, magbubukang-liwayway na sa unang araw ng linggo. Si Maria na taga-Magdala at ang isang Maria ay dumating upang tingnan ang libingan.
2 Narito, nagkaroon ng malakas na lindol sapagkat isang anghel ng Panginoon ang bumaba mula sa langit. Pumunta siya sa libingan at iginulong ang bato papalayo sa bukana ng libingan at umupo sa ibabaw nito. 3 Ang anyo niya ay parang kidlat. Ang damit niya ay kasimputi ng niyebe. 4 Dahil sa takot sa anghel, ang mga bantay ay nanginig at naging parang mga patay.
5 Sumagot ang anghel sa mga babae, na sinasabi: Huwag kayong matakot sapagkat alam kong hinahanap ninyo si Jesus na ipinako sa krus. 6 Wala siya rito. Ito ay sapagkat nabuhay na siya ayon sa sinabi niya. Halikayo at tingnan ninyo ang dakong pinaghigaan sa Panginoon. 7 Magmadali kayong pumunta at sabihin ninyo sa kaniyang mga alagad: Nabuhay na siya mula sa mga patay at narito, mauuna siya sa inyo patungong Galilea. Doon ay makikita ninyo siya. Narito, sinabi ko na sa inyo.
8 Sila ay mabilis na umalis mula sa libingan na may takot at malaking kagalakan. Sila ay tumakbo upang sabihin sa kaniyang mga alagad. 9 Nang sila ay papunta na sa kaniyang mga alagad, narito, sinalubong sila ni Jesus. Sinabi niya: Bumabati! Lumapit sila sa kaniya, hinawakan ang kaniyang paa at sinamba siya. 10 Sinabi ni Jesus sa kanila:Huwag kayong matakot. Humayo kayo at sabihin ninyo sa aking mga kapatid na pumunta sila sa Galilea at doon ay makikita nila ako.
Copyright © 1998 by Bibles International