Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Muling Pagkabuhay at ang Pag-aasawa
23 Nang araw na iyon, pumunta sa kaniya ang mga Saduseo na nagsasabing walang pagkabuhay na mag-uli. Tinanong nila siya.
24 Kanilang sinabi: Guro, sinabi ni Moises: Kapag ang isang lalaki ay namatay na walang anak, pakakasalan ng kaniyang nakakabatang kapatid na lalaki ang asawang babae. Ito ay upang siya ay magka-anak para sa kaniyang kapatid na lalaki. 25 Ngayon, sa amin ay mayroong pitong magkakapatid na lalaki. Ang una ay namatay na may asawa at walang anak. Naiwan niya ang asawang babae sa kaniyang nakakabatang kapatid na lalaki. 26 Ganoon din ang nangyari sa pangalawa, at sa pangatlo hanggang sa pangpito. 27 Sa kahuli-hulihan ay namatay rin ang babae. 28 Kaya nga, sa muling pagkabuhay, kanino siya magiging asawa sa pitong magkakapatid na lalaki? Ito ay sapagkat naging asawa siya ng lahat.
29 Sumagot si Jesus sa kanila: Kayo ay naliligaw at hindi ninyo nalalaman ang kasulatan ni ang kapangyarihan ng Diyos. 30 Ito ay sapagkat sa muling pagkabuhay, wala nang mag-aasawa ni ibibigay sa pag-aasawa. Sila ay katulad ng mga anghel ng Diyos sa langit. 31 Patungkol sa pagkabuhay sa mga patay, hindi ba ninyo nabasa yaong sinabi sa inyo ng Diyos? 32 Sinasabi: Ako ang Diyos ni Abraham at ang Diyos ni Isaac at ang Diyos ni Jacob. Ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay.
33 Nang marinig ito ng napakaraming tao, sila ay nanggilalas sa kaniyang turo.
Copyright © 1998 by Bibles International