Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
1 Corinto 3:10-11

10 Ayon sa biyaya ng Diyos na ipinagkaloob sa akin, inilagay ko ang saligan. Inilagay ko ito tulad ng isang marunong na punong-tagapagtayo at may ibang nagtatayo roon. Subalit mag-ingat ang bawat isa kung papaano siya magtatayo roon. 11 Ito ay sapagkat wala nang ibang saligang mailalagay ang sinuman maliban doon sa nakalagay na. Siya ay si Jesus na Cristo.

1 Corinto 3:16-23

16 Hindi ba ninyo alam na kayo ang banal na dako ng Diyos at ang Espiritu ng Diyos ay nananahan sa inyo? 17 Ang sinumang wawasak sa banal na dako ng Diyos ay wawasakin din ng Diyos sapagkat ang dakong banal ng Diyos ay banal at kayo ang dakong iyon.

18 Huwag ninyong dayain ang inyong sarili. Kung ang sinuman sa inyo ay nag-iisip na siya ay marunong sa kapana­hunang ito, dapat siyang maging mangmang upang siya ay maging marunong. 19 Ito ay sapagkat ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan sa Diyos dahil nasusulat:

Hinuhuli niya ang marunong sa kanilang katusuhan.

20 Gayundin:

Nalalaman ng Panginoon na walang kabuluhan ang kaisipan ng marurunong.

21 Kaya nga, huwag magmalaki ang sinuman sa mga tao sapagkat ang lahat ng bagay ay sa inyo. 22 Maging si Pablo, o si Apollos, o si Cefas, o sanlibutan, o buhay, o kamatayan, o mga kasalukuyang bagay o mga bagay na darating na, lahat ay sa inyo. 23 Kayo ay kay Cristo at si Cristo ay sa Diyos.

Mateo 5:38-48

Mata sa Mata

38 Narinig ninyong sinabi: Mata sa mata at ngipin sa ngipin.

39 Ngunit sinasabi ko sa inyo: Huwag ninyong kala­banin ang masamang tao. Ngunit ang sinumang sumampal sa iyo sa kanang pisngi, iharap mo rin sa kaniya ang kabila. 40 Kung may ibig magsakdal sa iyo at kunin ang iyong damit, payagan mo na rin siyang kunin ang iyong balabal. 41 Sinumang pumilit sa iyo na lumakad ng higit sa isang kilometro, lumakad ka ng higit pa sa dalawang kilometro na kasama niya. 42 Bigyan mo ang humihingi sa iyo at huwag mong talikdan ang ibig humiram sa iyo.

Ibigin mo ang Iyong Kaaway

43 Narinig ninyong sinabi: Ibigin mo ang iyong kapwa at kapootan mo ang iyong kaaway.

44 Ngunit sinasabi ko sa inyo: Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway. Pagpalain ninyo angmga napopoot sa inyo. Gawan ninyo ng mabuti ang mga nagagalit sa inyo. Ipanalangin ninyo ang mga umaalipusta sa inyo at ang mga umuusig sa inyo. 45 Ito ay upang kayo ay magiging mga anak ng inyong Ama na nasa langit sapagkat pinasisikat niya ang kaniyang araw sa mga masama at sa mga mabuti. At binibigyan niya ng ulan ang mga matuwid at ang mga hindi matuwid. 46 Ito ay sapagkat kung ang iibigin lamang ninyo ay ang mga umiibig sa inyo, anong gantimpala ang inyong makakamit? Hindi ba ganyan din ang ginagawa ng mga maniningil ng buwis? 47 Kapag ang mga kapatid lamangninyo ang inyong babatiin, ano ang kahigitan ninyo sa iba? Hindi ba ganyan din ang ginagawa ng mga maniningil ng buwis? 48 Kaya nga, kayo ay magpakasakdal tulad ng inyong Ama na nasa langit ay sakdal.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International