Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Patungkol sa Pagkakampi-kampi sa Iglesiya
3 Mga kapatid, hindi ako nakapagsalita sa inyo na tulad sa mga taong espirituwal, subalit tulad sa mga taong namumuhay ayon sa laman, tulad sa mga sanggol kay Cristo.
2 Pinainom ko kayo ng gatas sa halip na matigas na pagkain sapagkat hindi pa ninyo kaya ang matigas na pagkain at maging sa ngayon nga ay hindi pa ninyo kaya. 3 Ito ay sapagkat kayo ay nasa laman pa rin dahil mayroon pa rin kayong mga inggitan, paglalaban-laban at pagkakabaha-bahagi. Hindi ba kayo ay namumuhay pa sa laman, at namumuhay bilang mga tao? 4 Ito ay sapagkat may nagsasabi: Ako ay kay Pablo. Ang iba ay nagsasabi: Ako ay kay Apollos. Hindi ba ito ang nagpapakitang kayo ay namumuhay pa ayon sa laman?
5 Sino nga si Pablo at sino si Apollos? Hindi ba kami ay mga tagapaglingkod, na sa pamamagitan namin kayo ay sumampalataya kung paanong ibinigay ng Diyos sa bawat isa sa amin ang mga gawaing ito? 6 Ako ang nagtanim, si Apollos ang nagdilig ngunit ang Diyos ang nagpalago. 7 Kaya nga, siya na nagtanim at maging siya na nagdilig ay hindi mahalaga, kundi ang Diyos na nagpalago. 8 Ang nagtanim at ang nagdilig ay iisa. Gayunman, tatanggapin ng bawat isa ang kani-kaniyang gantimpala ayon sa kaniyang pagpapagal. 9 Ito ay sapagkat kami ay kamanggagawa ng Diyos, kayo ang taniman ng Diyos, kayo ang gusali ng Diyos.
Ang Pagpatay
21 Narinig ninyong sinabi nila noong unang panahon: Huwag kang papatay. Ang sinumang pumatay ay mapapasapanganib sa paghatol.
22 Ngunit sinasabi ko sa inyo na ang sinumang nagagalit sa kaniyang kapatid ng walang dahilan ay mapapasapanganib ng kahatulan. Ang sinumang magsabi sa kaniyang kapatid: Hangal ka, siya ay mapapasapanganib sa Sanhedrin. Ngunit ang sinumang magsabi: Wala kang kabuluhan, siya ay mapapasapanganib sa apoy ng impiyerno.
23 Kaya nga, kapag ikaw ay magdala ng iyong kaloob sa dambana at doon ay maala-ala mo na ang iyong kapatid ay may laban sa iyo, iwanan mo roon sa harap ng dambana ang iyong kaloob. 24 Lumakad ka at makipagkasundo ka muna sa iyong kapatid. Pagkatapos ay bumalik ka at maghandog ng iyong kaloob.
25 Makipagkasundo ka muna sa nagsasakdal sa iyo habang ikaw ay kasama niya sa daan. Kung hindi ay baka ibigay ka ng nagsasakdal sa iyo sa hukom at ibigay ka naman ng hukom sa opisyal at ipabilanggo ka. 26 Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Sa anumang paraan ay hindi ka makakalabas doon hanggang hindi mo nababayaran ang huling sentimo.
Ang Sanhi ng Pagkakasala
27 Narinig ninyong sinabi nila noong unang panahon: Huwag kang mangalunya.
28 Ngunit sinasabi ko sa inyo: Ang sinumang tumingin sa isang babae na may masamang pagnanasa sa kaniya ay nagkakasala na ng pangangalunya sa kaniyang puso. 29 Kaya nga, kapag ang iyong kanang mata ay makapagpatisod sa iyo, dukitin mo ito at itapon. Makabubuti pa na mawala ang isa sa mga sangkap ng iyong katawan kaysa mabulid sa impiyerno ang iyong buong katawan. 30 Kapag ang iyong kanang kamay ay makapagpatisod sa iyo, putulin mo ito at iyong itapon. Makabubuti pa na wala ang isa sa mga sangkap ng iyong katawan kaysa mabulid sa impiyerno ang iyong buong katawan.
Ang Paghihiwalay
31 Sinabi rin naman: Ang sinumang lalaking magpalayas sa kaniyang asawa ay bigyan niya siya ng kasulatan ng paghihiwalay.
32 Ngunit sinasabi ko sa inyo: Ang sinumang lalaking magpalayas sa kaniyang asawa, maliban na lamang sa dahilan ng pakikiapid, ay nagtutulak sa kaniya upang mangalunya. At sinumang magpakasal sa babaeng hiniwalayan ay nagkakasala ng kasalanang sekswal.
Ang Panunumpa
33 Narinig ninyong muli na sinabi nila noong unang panahon: Huwag kang manumpa nang walang katotohanan kundi tutuparin mo ang mga sinumpaan mo sa Panginoon.
34 Ngunit sinasabi ko sa inyo: Huwag kang mangako ng anuman, ni sa ngalan ng langit sapagkat ito ay trono ng Diyos. 35 Kahit ang lupa ay huwag mong ipanumpa sapagkat ito ang tuntungan ng kaniyang mga paa. Kahit ang Jerusalem man ay huwag mong ipanumpa sapagkat ito ang lungsod ng Dakilang Hari. 36 Kahit man ang ulo mo ay huwag mong ipangako sapagkat kahit isa mang buhok nito ay hindi mo mapapaputi o mapapaitim. 37 Dapat lang na ang pananalita ninyo ay oo kung oo, at hindi kung hindi. Subalit anuman ang hihigit pa rito ay nanggagaling na sa masama.
Copyright © 1998 by Bibles International