Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Mga Kayamanan sa mga Sisidlang Putik
4 Kaya nga, sa pagkakaroon ng paglilingkod na ito, ayon sa pagtanggap namin ng habag, hindi kami nanghihina.
2 Aming itinakwil ang mga itinatagong bagay na kahiya-hiya. Hindi kami lumalakad sa pandaraya ni minamali ang salita ng Diyos. Sa pagpapakita ng katotohanan, aming ipinagkakatiwala ang aming mga sarili sa budhi ng bawat tao sa harapan ng Diyos. 3 Kung ang ebanghelyo namin ay natatago, ito ay natatago sa kanila na napapahamak. 4 Binulag ng diyos ng kapanahunang ito ang mga kaisipan ng mga hindi sumampalataya upang hindi lumiwanag sa kanila ang liwanag ng ebanghelyo ng kaluwalhatian ni Cristo na siyang anyo ng Diyos. 5 Hindi namin ipinangangaral ang aming sarili kundi si Cristo Jesus na Panginoon at ang aming sarili ay inyong mga alipin alang-alang kay Cristo. 6 Ang Diyos na nag-utos na mula sa kadiliman aymagliwanag ang ilaw ang siyang nagliwanag sa aming mga puso. Ito ay upang magliwanag ang kaalaman ng kaluwalhatian ng Diyos sa pamamagitan ng mukha ni Jesucristo.
7 Taglay namin ang kayamanang ito sa sisidlang putik nang sa gayon ang kahigitan ng kapangyarihan ay mapasa-Diyos at hindi sa amin. 8 Sa magkabi-kabila, sinisiil kami, ngunit hindi nagigipit, naguguluhan kami ngunit hindi lubos na nanghihina. 9 Inuusig kami ngunit hindi pinababayaan, nabubuwal ngunit hindi nawawasak. 10 Taglay naming lagi sa aming katawan ang kamatayan ng Panginoong Jesus upang maipakita rin sa aming katawan ang buhay ni Jesus. 11 Ito ay sapagkat kami na nabubuhay ay laging ibinibigay sa kamatayan alang-alang kay Cristo. Ito ay upang ang buhay rin naman ni Jesus ay makita sa aming katawang may kamatayan. 12 Kaya nga, ang kamatayan ay gumagawa sa amin, ngunit ang buhay ay gumagawa sa inyo.
Copyright © 1998 by Bibles International