Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
2 Mga kapatid, ako ay dumating sa inyo na naghahayag ng patotoo patungkol sa Diyos, hindi sa pamamagitan ng kahusayan ng pananalita o karunungan. 2 Ito ay sapagkat pinagpasiyahan kong walang malamang anuman sa inyo maliban kay Jesucristo na ipinako sa krus. 3 Nakasama ninyo ako sa kahinaan, sa pagkatakot at lubhang panginginig. 4 Ang aking pananalita at pangangaral ay hindi sa mapanghikayat na pananalita ng karunungan ng tao. Sa halip, ito ay sa pagpapatunay ng Espiritu at ng kapangyarihan. 5 Ito ay upang ang inyong pananampalataya ay hindi ayon sa karunungan ng tao kundi sa kapangyarihan ng Diyos.
Karunungang Mula sa Espiritu
6 Gayunman, kami ay nagsasalita ng karunungan sa may mga sapat na gulang na. Ngunit ang sinasalita namin ay hindi ang karunungan ng kapanahunang ito, ni ng mga namumuno sa kapanahunang ito na mauuwi sa wala.
7 Sinasalita namin ang karunungan ng Diyos sa pamamagitan ng isang hiwaga. Ito ang nakatagong karunungan na itinalaga ng Diyos bago pa ang kapanahunang ito para sa ating kaluwalhatian. 8 Wala ni isa man sa mga namumuno sa kapanahunang ito ang nakakaalam patungkol dito. Kung nalaman lang nila ito, hindi na nila sana ipinako sa krus ang Panginoon ng kaluwalhatian. 9 Subalit ayon sa nasusulat:
Ang mga bagay na inihanda ng Diyos para sa kanila na umiibig sa kaniya ay hindi nakita ng mga mata, ni hindi narinig ng tainga at hindi pumasok sa puso ng mga tao.
10 Ngunit ang mga ito ay inihayag ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng kaniyang Espiritu, sapagkat ang Espiritu ang sumasaliksik ng lahat ng mga bagay maging ang mga malalalim na bagay ng Diyos. 11 Ito ay sapagkat sinong tao ang nakakaalam ng mga bagay ng tao, maliban sa espiritu ng tao nanasa kaniya? Ganoon din ang mga bagay ng Diyos, walang sinumang nakakaalam maliban sa Espiritu ng Diyos.
12 Ngunit hindi namin tinanggap ang espiritu ng sanlibutan. Sa halip, ang tinanggap namin ay ang Espiritu na mula saDiyos upang malaman namin ang mga bagay na ipinagkaloob sa amin ng Diyos.
13 Ang mga bagay na ito ang aming sinasabi: Hindi sa pamamagitan ng mga salitang itinuro ng karunungan ng tao kundi sa mga salitang itinuro ng Banal na Espiritu. Inihahalintulad namin ang mga espirituwal na bagay sa espirituwal na bagay. 14 Hindi tinatanggap ng likas na tao ang mga bagay na ukol sa Espiritu ng Diyos sapagkat kamangmangan sa kaniya ang mga ito at hindi niya ito maaaring malaman dahil ang mga ito ay nasisiyasat sa kaparaanang espirituwal. 15 Ang taong sumusunod sa Espiritu ay nakakasiyasat ng lahat ng mga bagay ngunit walang sinumang nakakasiyasat sa kaniya.
16 Ito ay sapagkat sino nga ang nakaalam ng isipan ng Panginoon? Sino ang magtuturo sa kaniya?
Ngunit kami, nasa amin ang kaisipan ni Cristo.
Kayo ay Asin at Ilaw
13 Kayo ang asin ng lupa. Ngunit kapag ang asin ay nawalan ng alat, paano pa ito muling aalat? Wala itong kabuluhan kundi itapon na lamang at yurakan ng mga tao.
14 Kayo ang ilaw ng sanlibutan. Ang isang lungsod na nakatayo sa ibabaw ng isang burol ay hindi maitatago. 15 Hindi rin sinisindihan ng sinuman ang ilawan upang ilagay sa ilalim ng takalan. Ngunit ito ay inilalagay sa lalagyan ng ilawan at nagliliwanag sa lahat ng nasa bahay. 16 Sa ganitong paraan pagliwanagin ninyo ang inyong ilawan sa harap ng mga tao upang makita nila ang inyong mabubuting gawa. Sa gayon ay luluwalhatiin nila ang inyong Ama na nasa langit.
Ang Katuparan ng Kautusan
17 Huwag ninyong isiping naparito ako upang sirain ang Kautusan o ang mga Propeta. Naparito ako hindi upang sirain kundi upang tuparin ang mga ito.
18 Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Lilipas ang langit at ang lupa ngunit kahit isang tuldok o isang kudlit sa Kautusan ay hindi lilipas sa anumang paraan hanggang matupad ang lahat. 19 Kaya ang sinumang lumabag sa isa sa mga utos na ito, kahit na ang kaliit-liitan, at ituro sa mga tao ang gayon, ay tatawaging pinakamababa sa paghahari ng langit. Ngunit ang sinumang gumaganap at nagtuturong ganapin ito ay tatawaging dakila sa paghahari ng langit. 20 Sinasabi ko sa inyo: Maliban na ang inyong katuwiran ay hihigit sa katuwiran ng mga guro ng kautusan at mga Fariseo, sa anumang paraan ay hindi kayo makakapasok sa paghahari ng langit.
Copyright © 1998 by Bibles International